Ni Manny D. Balbin & Verna Santos
PANDI, Bulacan — “Hindi lamang ito laban para sa bayan. Hindi lamang ito laban ni Mayor Rico Roque kundi laban ito ng pangarap ng bawat Pandieño.”
Ito ang mga katagang namutawi kay Mayor Enrico Roque nang pormal itong maghain ng kanyang kandidatura para sa ikatlo at huling termino ng paglilingkod sa bayan ng Pandi.
Ang bumubuo ng Team Puso at Talino 2025 ay pormal nang naghain ng kanilang kandidatura para sa kanilang panibagong termino sa 2025 midterm elections na pinangunahan ni incumbent Mayor Roque at Vice Mayor Lui Sebastian.
Kasama rin sa TPT 2025 ang mga Konsehal ng bayan ng Pandi na sina Kon. Jonjon Roxas, Kon. Monette Jimenez, Kon. Danny Del Rosario, Kon. Potpot Santos, Kon. Vic Concepcion at Kon. Nonie Sta. Ana.
Dalawang bagong mukha ngunit mga dati nang naninilbihan sa mga Pandieño ang kukumpleto sa Team Puso at Talino 2025 na sina Sec. Arman Concepcion at Dok Noel Esteban.
“Ang laban ni Mayor Rico ay hindi na laban pansarili, hindi laban ni Vice Mayor kundi laban ng buong Team Puso at Talino. Kung paano kayo naniwala na kaya nating manalo ng 10-0 noong nakaraang eleksyon, gagawin uli natin ngayong 2025,” ani ng alkalde.
Ayon pa kay Mayor Roque, ang mga bumubuo ng Team Puso at Talino 2025 ay mga indibidwal na pinanday na ng panahon at sinubok ng mga pagsubok, ngunit nananatiling matatag at handang magbigay ng #sERbisyongMayPusoAtTalino sa ating bayan.
“Sila ang mga kasama ko mula pa noon—kasangga sa bawat laban, katuwang sa bawat programa, at mga kaibigan sa bawat oras ng pangangailangan. Panahon man ng pandemya, sa kabila ng mga unos at pagsubok, napatunayan nila ang kanilang husay at malasakit para sa bawat Pandieño,” ani Roque.
Dagdag pa ng alkalde, “Sa mga darating na buwan, magpapatuloy ang ating pagsisikap na itaguyod ang kapakanan ng bawat Pandieño. Hindi ito laban ng iilan, kundi laban para sa lahat—laban para sa mas maunlad, makatao at mas progresibong Pandi.”
“Sisiguraduhin ko sa inyo, sa aking mga konsehal, na bago ko ipanalo ang laban ko, uunahin ko munang manalo kayo sa laban ninyo,” ani Roque.
Mariin namang pinasalamatan ng alkalde ang mga Pandieño na sumaksi at sumuporta sa muling paghahain ng certificate of candidacy (COCs) ng buong Team Puso at Talino at maging ang mga kapitan ng barangay na tinaguriang mga heneral at sundalo dahil bali-baligtarin man ay andiyan sila para suportahan ang buong partido.
At sa pagtatapos, buong pagmamalaking sinabi ni Mayor Roque, “Sama-sama nating abutin ang mas MATAAS NA ANTAS para sa bayan ng Pandi.” (UnliNews Online)