LUNGSOD NG BALIWAG, Bulacan — Nabigyan ng matataas na kalidad ng trabaho ang mga Bulakenyo na nasa sektor ng construction at engineering sa pagbubukas ng fabrication yard para sa tunnel ng proyektong Metro Manila Subway Phase 1.
Sa ginawang inspeksiyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa nasabing pasilidad na ngayo’y fully operational na, nabatid sa ulat ng kontratistang Hapon na Sumitomo Mitsui Construction Co., LTD, na 80% ng 340 na mga manggagawa rito ay pawang mga Bulakenyong engineers at construction skilled workers.
Pinili aniya ang 8.6 ektaryang lupang ito sa tabi ng Pulilan-Baliwag Diversion Road, dahil may mainam na espasyo para sa mga pangangailangan ng ganitong uri ng big-ticket infrastructure project.
Bukod dito, sinabi pa ni Engr. Abigail Verzosa, deputy general manager ng Sumitomo Mitsui Construction Co., LTD, na malapit din sa mga pinagkukuhanan ng matataas na uri ng materyales itong yard tulad ng suplay ng bakal na gawa ng Steel Asia na may planta sa Meycauayan at ang Republic Cement na nasa Norzagaray ang gawaan.
Ipinaliwanag naman ni Secretary Bautista na ang tunnel ring yard na ito ay uupahan ng kontratista sa loob ng pitong taon o hanggang sa taong 2030. Ito’y upang makagawa ng 8,110 Tunnel Rings para sa Contract Package 103 ng Metro Manila Subway Phase 1 Project.
Partikular na ikakabit ito sa pamamagitan ng Tunnel Boring Machine (TBM), sa gagawing 6-kilometrong tunnel mula sa East Avenue sa Quezon City hanggang sa Ortigas sa Mandaluyong City. Dadaanan nito ang mga istasyon sa Camp Aguinaldo at Anonas.
Kaya’t para matiyak na masusuplayan ng nasabing bilang ng mga tunnel rings ang bahaging iyon ng proyekto, ang yard sa Baliwag ay mayroong 18 sets ng hulmahan na kayang gumawa ng 15 mga tunnel rings araw-araw. Bumili rin ng 12 mahahabang trucks na magde-deliver ng nasabing mga tunnel rings sa mismong project sites mula sa Baliwag.
May halagang P2 bilyon ang Tunnel Ring Yard na ibinibilang ng pamahalaang lokal bilang isang pamumuhunan. Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, patunay ang pagkakapili sa Bulacan, partikular sa lungsod ng Baliwag, na pagtayuan ng nasabing pasilidad na isang istratehikong lugar ang lalawigan na may mga kwalipikado at produktibong lakas-paggawa.
Kaugnay nito, isa rin si Verzosa sa mga lokal na manggagawa na nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho rito matapos maging isang Overseas Filipino Worker. Aniya, hindi na nalalayo ang sahod sa ibang bansa sa pagtatrabaho sa kompanyang Hapon na dito sa Pilipinas may operasyon.
Kalakip nito ang pagkakaroon ng sapat at tamang benepisyo na kagaya ng natatamo sa ibang bansa. Iba pa rito ang pagiging malapit sa pamilya na nabibigyan ng sapat na oras pagkatapos ang produktibong pagtatrabaho.
Samantala, target ng DOTr na magkaroon ng partial operation ang Metro Manila Subway Phase 1 sa taong 2028 mula sa Malinta sa Valenzuela hanggang sa North Avenue sa Quezon.
May habang 36 kilometro ang proyektong ito na babaybay mula sa ilalim ng lupa ng Valenzuela hanggang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay. Pinondohan ito ng P488 bilyon na Official Development Assistance (ODA) ng Japan International Cooperation Agency (JICA). (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan