LUNGSOD NG MALOLOS — Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ni Bokal Ramil Capistrano, pangulo ng Liga ng mga Barangay sa lalawigan ng Bulacan sa naganap na pananambang na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito at ng kanyang driver noong October 3, 2024 sa Barangay Ligas sa nasabing lungsod.
Nangako naman si Gobernador Daniel R. Fernando na bibigyan niya ng hustisya ang pagkamatay ng kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan na walang awang pinagbabaril ng apat na suspek na kinabibilangan ng isang aktibong pulis na kinilalang si P/Staff Seargent Ulysses Fernan Castro Pascual, Cezar Mayoralgo Gallardo Jr, at dalawang may alyas na Lupin at Jeff.
Kaugnay nito, naglabas ng pabuya ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gov. Fernando ng halagang kalahating milyong piso sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon at makakapagturo sa mga suspek.
Sa isinagawang isang press conference sa Governor’s office noong Lunes ng umaga (Oct. 14) sinabi ni Col. Satur Ediong, Bulacan police director na nakatakda nilang sampahan ng kasong double murder ang mga suspek sa Malolos City Prosecutor’s Office.
Ayon pa kay Ediong, nasa kanilang kustodiya ang dalawang testigo at mga samu’t saring ebidensiya kaya natukoy ang sasakyan at pagkakakilanlan ng mga suspek na pawang mga taga-Navotas.
Dagdag pa nito, ang suspek na pulis ay dating nakatalaga Region 3 at kasalukuyan umanong nakapuwesto sa Camp Crame.
“Lahat ng posibleng anggulo ay aming iniimbestigahan at pinag-aaralan para malaman ang motibo sa pagpatay at ang utak ng krimen,” saad pa ni Ediong.
Samantala, idinagdag pa ni Fernando na puspusan ang isinasagawa nilang aksyon at follow-up operation para magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ni Capistrano.
Nagpapasalamat rin ang gobernador sa naging aksyon ng pulisya para sa agarang pagresolba ng naturang pamamaslang sa mga biktima.
Matatandaang tinambangan ng mga suspek at pinagbabaril si Bokal Capistrano at drayber nito habang sakay ng Mitsubishi Montero nitong October 3 ng hapon sa Brgy. Ligas, Lungsod ng Malolos matapos dumalo sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan sa Kapitolyo ng Bulacan. (UnliNews Online)