Wednesday, October 16, 2024
Amana Water Park
HomeMay taglay na hiwaga ang pulitika sa Pilipinas

May taglay na hiwaga ang pulitika sa Pilipinas

Feature Article Ni Manny C. Dela Cruz

AYON sa mga political analyst ang pulitika daw dito sa Pilipinas ay sobrang mahiwaga dahil dito lang sa ating bansa nangyayari na ang mahihigpit na magkakatunggali sa larangan ng pulitika ay nagkakasama sa bandang huli.

Anong hiwaga nga ba mayroon ang pulitika at nagpagkakaisa nito ang magkakaaway na pulitiko? Sa kabilang banda naman ang magkakapatid, magkakapamilya at magkamag-anak ay napaglalayo ng pulitika gayong magkakadugo naman sila — galing sa isang tiyan, o sa isang angkan lamang.

Nangyayari ang ganitong senaryo na kapag ang mga kandidato ay galing sa isang angkan, asahan na ang pagkalabahagi at ‘di pagkakasundo. Sa puntong ito, natatalikod na ang kasabihan sa English na “blood is thicker than water”. Ang nagkakadugo ay napaghihiwalay ng pulitika at kapag ang poot sa isa’t isa ay tumigas at nabuo, ang relasyon ng magkakadugo ay gumuguho dahil sa pulitika.

Sabi nila, ang pulitika umano ang nagsisilbing tulay upang ang magkakalabang political parties ay magkasanib sa pamamagitan ng aspetong coalition. Nangyari na rin ang pagkakasundo ng dalawang political bigwigs sa Malolos City. Ang kampo ni City Mayor Christian D. Natividad at ang kampo ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ay nagkasundo na isantabi ang kulay ng pulitika at pansamantalang magsanib sa aspeto ng “One Malolos”. Ang pula at ang berde ay naging puti.

Kung minsan, ang lumang kasabihan na walang pirmihan kaibigan sa pulitika. Maaaring magkasama ang dalawang pulitiko ngayon pero pagdating ng tamang panahon, ang kanilang pagkakaibigan ay tatabang hanggang sa sila ay magkahiwalay. Sila ay pinaglayo ng pulitika kaya ang nanatili lamang ay ang political interest ng bawat isa.

Ang pulitika din ang nagiging daan upang ang mga pulitikong mananalo ay dumami ang mga kumpare at kumare dahil sa pagnininong at pagnininang sa kasal at binyag. Kung ang pulitiko ay mabango sa tao, hindi siya mapapahinga sa pag-aanak sa kasal. Bihira naman kasi ang pulitiko na nag-aanak sa binyag.

Habang dumadami ang mga inaanak ng pulitikong mabango sa tao, kasabay din niyon ang paglaki ng bilang ng kanyang mga tagasuporta kaya walang pulitiko na tumatanggi kapag naimporta na mag-anak sa kasal. Bagkus, karangalan para sa kanila na kuhaning ninong o ninang ng dalawang magtataling-puso.

Dahil sa ganitong mga kostumbreng Pinoy, ang hiwaga ng pulitika ay hindi naman lumalalim dahil ang tradisyon ay naikakapit sa pulitika at maging ang sakramento ng kasal ay tila nagiging karaniwan na lang at nawawala na ang kasagraduhan dahil ang mga ninong at mga ninang ang tumatayong pangalawang magulang ng mga pinagtaling-puso. Malinaw pa sa sikat ng araw ang nakasaad sa doktrina ng kasal na kapag ang mga magulang ng mga ikinasal ay kapwa nawala, ang pangalawang mga magulang ang siyang tatayong magulang ng kanilang mga inaanak. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments