LUNGSOD NG MALOLOS — Makaraan nang 15 taon, muling nasungkit ng Lalawigan ng Bulacan ang prestihiyosong Galing Pook Award ng parangalan kamakailan ang Bayan ng Pandi para sa kanilang epektibong programang “Pag-Asa sa Bagong Bahay.”
Ang parangal ay pagkilala sa mga inobasyon ng lokal na pamahalaan na may positibong epekto sa mga komunidad.
Mula sa 147 na entry mula sa 111 na lokal na pamahalaan, napabilang ang Pandi sa 18 na finalist at napili bilang isa sa 10 na nanalo ng Galing Pook Awards 2024.
Ang programang “Pag-Asa sa Bagong Bahay” ay isang inisyatiba sa Bayan ng Pandi na naglalayong magbigay ng pabahay at suporta para sa mga marginalized family. Nakatuon ang proyekto sa pagtatayo ng mga abot-kayang tahanan, pagtiyak ng access sa mga pangunahing serbisyo, at pagpapaunlad ng komunidad.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, matagumpay na naisama ng LGU ang 15,096 na inilipat na pamilya mula sa National Capital Region sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga serbisyo sa pamumuno, partisipasyon, kabuhayan, at serbisyong panlipunan, pagpapalakas ng empowerment ng komunidad, pagtugon sa mga hamon sa resettlement, at pagtataguyod ng paglago ng ekonomiya at panlipunang pagsasama.
Dagdag pa dito ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga residente sa mga programang pangkabuhayan at mga serbisyong panlipunan, ang inisyatiba ay nagtataguyod ng isang matatag at nakakapagpapalusog na kapaligiran para sa mga pamilya, na nagpapahusay sa kanilang pangkalahatang kalidad ng buhay at nagpapaunlad ng pag-asa para sa isang mas maliwanag na kinabukasan.
Ayon sa alkalde, “dahil sa ating pagtutulungan, suporta buhat sa ating mga kapitan, inspirasyon galing sa ating mga kapwa mayor, kay Governor Daniel R. Fernando sa palagi niyang paniniwala sa ating kakayahan at sa walang sawang pagsusumikap nating mga Pandieño.”
“Naipanalo po natin ang isang programang nagbigay katuparan sa pangarap ng mga Pandieño, kampeon po tayo para sa programang “May Pag-asa sa Bagong Bahay. Patunay lang po ito na may gantimpalang nakalaan kapag may magandang adhikain ang programa lalo na kung para sa mga kababayan nating nangangailangan ng masisilungan,” dagdag pa ng alkalde.
Pagtatapos ni Mayor Roque, “Ang tagumpay na ito ay hindi lamang po para sa bayan ng Pandi, kundi para po sa bawat pamilyang nakahanap ng pag-asa sa kanilang bagong tahanan . Maraming salamat po sa inyong suporta at tiwala. Patuloy po tayong magmalasakitan upang ang bawat Pandieño ay umasenso at magkaroon ng magandang buhay. Mabuhay po ang Bayan ng Pandi!”
Ang Galing Pook Award ay isang pagkilala sa mga lokal na pamahalaan na may mga programang nagbibigay ng positibong epekto sa mga komunidad. Ito ay isang programa ng Department of the Interior and Local Government (DILG), DILG Local Government Academy (LGA), Ford Foundation, mga institusyong pang-akademya, at mga nagsusulong ng kahusayan sa pamamahala. (UnliNews Online)