Feature Article
Ni Manny C. Dela Cruz
MAPAPALAD tayong mga mamamayqn ng Luzon dahil pinagkalooban tayo ng Maykapal ng isang natural na panangga sa mga bagyong pumapasok sa Philippine Area of Responsibility at tuluyang nagla-landfall dahil mayroon tayong mahabang kabundukan na humaharang sa malalakas na puwersa ng hangin dala ng malalakas na bagyo tulad ng super typhoon.
Ito ang Sierra Madre Mountains ang kabundukan na nagsisilbing gulugod ng Luzon. May haba itong 540 kilometro na nagsisimula sa northern Luzon sa Sta Ana Cagayan at nagtatapos sa dulong bahagi ng lalawigan ng Quezon sa timog. Ito ay may lapad na 54 kilometro na sumasakop sa mga lalawigan ng Aurora, Bulacan, Cagayan, Isabela, Laguna, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Quezon, Quirino, at Rizal.
Ang mga lalawigan sa Luzon na malimit tamaan ng bagyong nabuo sa Pacific Ocean ay ang mga lalawigan ng Aurora, Cagayan at kung minsan naman ay tumatawid ang bagyo sa Bulacan tulad ng bagyong “Yoling” na tumawid sa Central Luzon, noong 1970 kung saan maraming kabahayan ang nawasak at maraming mga pananim ang nasira.
Ang Sierra Madre ay humahangga sa karagatan ng Pacific Ocean, sa silangang bahagi ng Luzon. Sa nasabing malawak na karagatan na kung saan doon nabubuo ang sama ng panahon na sa simula ang low pressure area hanggang sa maging tropical depression at kapag nakaipon ng lakas ay nagiging tropical storm na may taglay na lakas ng hangin na na 62 – 88 at kapag ito ay bahagyang lumakas ay tatawaging severe tropical storm (STS) na may taglay na hangin na 89 – 117 km/h.
Ang ganyang mga kategorya ng bagyo ang karaniwang pumapasok sa ating PAR subalit hindi naman lahat ay tumatama sa kalupaan ng Luzon. May pagkakataon naman naman na ang lakas ng bagyo ay umaabot sa sukdulan at tinawag ito ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng super typhoon tulad ng bagyong Ondoy na may lakas na 230 kph/. Mapaminsala ang bagyong ito kaya tinanggal na sa listahan ng PAGASA ang pangalang Ondoy.
Ayon sa mga weather forecaster, malaki ang nagagawa ng Sierra Madre mountain ranges, sa tuwing tumatama sa kalupaan ng Luzon tulad ng typhoon Kristine na tumawid sa kalupaan ng Isabela at Cagayan nitong buwan ng Oktubre. Dahil mayroong typhoon barrier ang Luzon, napahihina nito ang bagyo sa tuwinang nagla-landfall saanmang bahagi ng Luzon.
Kaya napakahalaga ng Sierra Madre mountain ranges ang natural na panangga ng Luzon laban sa mga malalakas na bagyo, maging sa mga super typhoon. Katunayan, ilan sa mga malalakas na bagyo na dumaan sa bansa ang pinahina ng ating ‘natural barrier’. Napababa ng Sierra Madre ang lakas ng Typhoon Lawin sa Category 3 mula sa category 5 nang dumaan ang naturang bagyo sa nasabing bulubundukin.
Kaya dapat na pinangangalagaan ang nasabing kabundukan at huwag hayaang malapastangan ng mga mapagsamantala. Ayon sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), humigit kumulang sa 161,240 ektarya na ng nasabing mountain ranges ang nasira noong 2010. Kabilang sa mga rason ay ang mga aktibidad ng tao gaya ng iligal na pagtotroso, pagkakaingin, pag-uuling, pangangaso at pagmimina.
Kaya dapat nating pasalamatan ang Diyos sa tuwinang dinadalaw tayo ng malalakas na bagyo dahil bago tumama sa ating mga lugar ang bagyo ay napahina na ang mga ito ng Sierra Madre. Kailangan din naman natin ang bagyo dahil nagdadala ito ng maraming ulan upang ang mga dam sa Luzon ay mapuno ng tubig.
Ang mga dam ang siyang pinagkukunan ng tubig ng mga sakahan sa Luzon. Angat Dam, Ambuklqo Dam, Binga Dam, San Roque Dam, Pantabangan Dam, Ipo Dam at ang maliit na dam sa Quezon City ang La Mesa Dam. Ito namang Angat Dam, ang siyang pinakukunan ng tubig ng mga mamamayan ng Metro Manila at ng mga sakahan sa Bulacan at Pampanga. (UnliNews Online)