ARAYAT, Pampanga — Patay ang isang town councilor habang sugatan naman ang kasamang barangay captain matapos pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan sa Barangay Telapayong, Arayat, Pampanga noong Martes ng umaga (Nov. 12).
Kinilala ni Pampanga police director Colonel Jay Dimaandal ang napatay na biktima na si Federico Hipolito, kasalukuyang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Arayat at residente ng nasabing barangay.
Samantala, ang kasamahan nito ay nakilalang si Julito Trinidad, barangay captain ng Barangay Batasan ng nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon namatay si Hipolito dahil sa tama ng bala sa katawan samatalang nakaligtas naman si Trinidad at tinamaan lamang ito ng ligaw na bala sa kaliwang kamay.
Matapos ang pamamaril agad na isinugod sa pinakamalapit na Magalang District Hospital ang mga biktima ngunit dead on arrival si Hipolito sa nasabing ospital.
Ayon kay Dimaandal matapos bumaba sa kanilang sasakyan na isang Toyota FJ Cruiser (AKA 9514) ang mga biktima ay sinalubong sila ng mga salarin at agad pinagbabaril.
Ayon sa mga saksi agad na tumakas ang mga suspek patungo sa kalapit bayan ng Magalang lulan ng isang motorsiklo na walang plaka matapos ang pamamaril.
Kasalukuyang iniimbistigahan ng pulisya ang insidente para alamin ang motibo ng pamamaril pati ang pagkakilanlan ng mga suspect. (UnliNews Online)