CAMP OLIVAS, Pampanga — Nakahanda na ang iba’t ibang mga yunit at istasyon ng Police Regional Office 3 (PRO3) para rumesponde sa mga mangangailangan ng tulong dahil sa magiging epekto ng hagupit ng mapaminsalang Bagyong Pepito sa Central Luzon.
Ito ang tiniyak ni PRO3 Director Brig. Gen. Redrico A. Maranan, sa harap na rin ng banta ng matinding epekto ng Bagyong Pepito sa rehiyon kabilang na ang Metro Manila at mga karatig na lalawigan nito.
Ipinag-utos din ni Maranan sa lahat ng Regional, Provincial at City Mobile Force Companies na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa pagsasagawa ng paglilikas sa mga lubhang maapektuhan ng bagyo.
“Sa ngayon ay nakahanda na ang ating mga sinanay na miyembro ng ating kapulisan para magsagawa ng search, rescue at retrieval operations, gayundin ang ating PRO3 Food Bank para sa agarang tulong na mga relief goods sa mga maapektuhan nating mga kababayan,” pahayag ni Maranan.
Samantala, nanawagan din ang pinakamataas ng pulis ng Central Luzon lalo na sa mga nakatira sa mababang lugar na makipagtulungan at sundin ang disaster preparedness plan ng mga local government units (LGUs), partikular sa paglikas sa mas ligtas na mga lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa panahon ng pananalasa ng Bagyong Pepito dito sa rehiyon.
Para sa agarang impormasyon na kailangang maipabatid sa PRO3, maaari tayong makipag-ugnayan sa ating kapulisan sa pamamagitan ng PRO3 hotline 0998-5985330/ 0917- 5562597 at social media (facebook account: www.facebook.com/ PoliceRegionalOffice3). (UnliNews Online)