CAMP OLIVAS, Pampanga — Sa patuloy na pagpapaigting ng Police Regional Office 3 sa kampanya laban sa iligal na droga, dalawang suspek na itinuturing na High Value Individuals (HVI) ang naaresto ng mga otoridad sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Bataan kung saan nakumpiska din ang mga iligal na droga na may pinagsamang halagang mahigit P1.7 milyon at isang baril.
Base sa ulat na nakarating kay PRO3 Director Brig. Gen. Redrico A. Maranan, bandang 11:50 noong Lunes ng gabi (Nov. 18), isang buy bust operation sa Brgy. Barangay Saint Francis 2, Limay, ang isinagawa ng mga operatiba ng Limay Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit (PIU), Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU), at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Region 3, na nagresulta sa pagkakaaresto ni alyas “Mike,” 35 taong gulang, cellphone technician at residente ng nasabing barangay.
Nakumpiska din mula sa suspek ang 160 gramo ng shabu na may standard drug price na P1,088,000.00, isang caliber .38 revolver na may anim na bala, P7,000.00 na marked money, isang pouch bag at isang Infinix cellphone.
Samantala, makalipas lamang ang isang oras, bandang 12:59 ng Lunes ng umaga (Nov. 19) nahuli naman si alyas “Boy,” 21, residente din ng Barangay Saint Francis 2, Limay, Bataan, sa isinagawang buy bust operation ng mga tauhan ng Bataan PPDEU, Orion Municipal Police Station, PIU, at 2nd PMFC sa Brgy. Sabatan, Orion at nakuha sa kanya ang isang plastic bag na naglalaman ng 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000.
Ang dalawang suspek ay nahaharap sa mga kaso ng paglabag sa RA 9165, habang si alyas “Mike” ay may karagdagang kaso para sa paglabag sa RA 10591.
Pinuri ni Maranan ang mga operatiba at nagpahayag na “Ang mga matagumpay na operasyong ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng ating kapulisan na wakasan ang problema ng iligal na droga. Mananatili tayong matatag sa ating layunin na protektahan ang ating mga komunidad laban sa salot na ito. Hinihimok din natin ang publiko na patuloy na suportahan ang mga operasyon ng pulisya sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa pagkakahuli ng mga sangkot sa iligal na gawain”. (UnliNews Online)