MALAKAS na political bigwig ang makakasagupa ni City Councilor Rovielyn “Mariposa” Cabigquez, ng Meycauayan City sa mayoralty race sa May 12, 2025 Midterm election at hindi biro ang larangan na kanyang tatakbuhin kaya kailangan niya ang malakas na puwersang panagupa sa kanyang magkakatunggali
Si City Councilor Manny Alarilla, ay tumatakbo naman sa vice mayoralty race na siya ring makaka-tandem ni Mariposa sa darating na halalan. Naniniwala sina Cabigquez at Alarilla na iiral sa Meycauayan ang puso dahil naniniwala sila na ang pusong malinis at pusong matapat ang siyang magsusulong ng pagbabago sa kanilang siyudad.
Nakapanayam ng LiteNews.TV si Mariposa kung saan ay sinabi niya na matapat at maka-Diyos na adhikain ang kanyang baluti sa larangan na kanyang tatakbuhin at naniniwala umano siya na ang Diyos ang sa kanya ay gagabay sa panahon na sasabak na siya sa kanyang laban. “Alam ng Diyos na may kaya akong gawin kaya niya ako inilagay sa kalagayang ito.” Ayon kay Mariposa.
Sinabi pa ni Mariposa na kung ang Diyos anya ang naglagay sa kanya sa gayong posisyon sa public office ay para gawin niya ang tama at kung siya raw ay papalarin at pagtitiwalaan ng mga Meycaueños, na mamuno sa kanila ay makaaasa umano ang kanyang mga kababayan ng matapat at malinis na paglilinhkod. “Ako bilang isang Kristiyano ay tumatayo po ako sa tama at gagawin ko ang tama.
Si Konsehala Cabigquez bago pa lamang sa larangan ng pulitika at tumatakbo siya sa pagka-alkalde sa Siyudad ng Meycauayan. Kasama ni Mariposa sa Team M&M (Malayang Meycauayan) si City Coun. Manny Alarilla, kung saan ay pawang beterano sa larangan ng pulitika ang kanyang mga magulang.
Sabi nga ng ilang political analysts ibang-iba na raw ngayon ang takbo ng pulitika saanmang dako ng ating bansa. Namamayani pa rin ngayon ang pulitika ng pera at sa ganitong kalakaran kung sino ang pulitikong masalapi ay sila ang may advantage na maluklok sa ninanais nilang posisyon sa public office.
Iba naman ang pananaw ni Mariposa sa pulitika. Hindi anya lahat ng botante ay kayang silawin ng kislap ng salapi. Naniniwala pa rin si Cabigquez na marami pa ring Pilipino ang may dignidad at hindi kayang suhulan ng anomang halaga.
Ito rin ang paniniwala ng ka-tandem ni Mariposa na si Manny Alarilla. Ang hinahanap anya ng mamamayan ay ang mga lingkod bayan na madaling lapitan, bukas ang puso at palad sa karaingan ng mga mamamayan at kung mayroonan umanong hinahangad si Coun. Manny ay maibalik ang dating pamamalakad ng kanyang yumaong ama at ng kanyang ina na kapwa nanungkulan bilang punong lungsod ng Meycauayan sa kanilang mga kapanahunan.
Matapat at maka-Diyos na paglilingkod ang inihahain ni City Coun. Rovielyn “Mariposa” Cabigquez, sa kanyang mga kababayan sa Lungsod ng Meycauayan. Si Mariposa, ng Team M&M, ay aspirante sa pagka-alkalde sa nasabing lungsod para sa May 12, 2025 Midterm election. (UnliNews Online)