Monday, March 10, 2025
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNewsFirst Lady Marcos tutulong pabilisin ang mga proyektong kontra baha sa Bulacan

First Lady Marcos tutulong pabilisin ang mga proyektong kontra baha sa Bulacan

PULILAN, Bulacan — Malaking pag-asa ang iniwan ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos para sa mga Bulakenyo na mapapabilis ang mga proyektong pang-imprastraktura na kontra baha sa lalawigan.

Iyan ang sentro ng naging pakikipag-usap ng Unang Ginang sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan at Bulacan Chamber of Commerce and Industry sa katatapos na Invest Bulacan Summit 2024 na bahagi ng taunang Bulacan Business Conference.

Naging instrumento ang naturang aktibidad upang mailatag sa mga Bulakenyo ang mga pangmatagalang solusyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang pabilisin ang paghupa ng baha sa lalawigan.

Sa ulat ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant Regional Director Melquiades Sto. Domingo, nasa 19 na mga pumping station at flood gate ang planong ipagawa sa lungsod ng Malolos, at mga bayan ng Hagonoy, Calumpit, Paombong, Bulakan at Guiguinto.

Nakatakdang simulan sa susunod na taon ang unang 10 na pinondohan ng DPWH mula sa halagang P250 hanggang P300 milyon ang bawat isa. Pinakamalaki sa mga itatayong pumping station ay nasa Barangay Sto. Rosario sa Hagonoy.

Isa itong pasilidad kung saan ang mga sobrang tubig mula sa malakas na ulan ay iipunin muna rito sa panahon na mataas pa ang lebel ng tubig sa dagat.

Kapag bumaba na ang dagat, ibobomba naman ng pumping station ang tubig palabas. Sa ganitong paraan, magiging mabilis ang paghupa ng baha sa mga lansangan at mga bukas na espasyo.

Iba pa rito ang pagpapalalim at paglalagay ng mga matataas na dike sa mga ilog ng Bocaue, Bulakan, Balagtas, Guiguinto at Kalero sa Malolos. Nasa P13.6 bilyon ang inisyal na kailangang pondo para sa naturang mga proyekto.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, binigyang diin ng Unang Ginang sa kanilang pag-uusap na malinaw ang direksiyon ng Bulacan tungo sa pagiging isang “First World Province”.

Kitang kita ito sa mga itinatayo nang mga malalaking proyektong pang-imprastraktura tulad ng North-South Commuter Railway System, MRT 7, at ang New Manila International Airport.

Para aniya sa Unang Ginang, hindi ito dapat mapigilan ng palaging pagkakaroon ng malawakan at matagal na pagbabaha na nagreresulta ng malaking pinsala sa mga industriya at kabuhayan ng karaniwang mga Bulakenyo.

Kinausap naman ni First Lady Araneta-Marcos si Provincial Engineer Glen Reyes na agad na isumite sa kanyang tanggapan ang mga detalye para naman sa proyektong Water Impounding Facility sa Calumpit.

Suportado ng Unang Ginang ang proyektong ito na tutugon sa matagal nang problema ng pagbabaha sa nasabing bayan na naging catch basin kung saan nakadaan na ang bagyong maraming ulan at umaaraw na ngunit noon pa lamang bumabaha dahil sa pagbaba ng tubig mula sa Nueva Ecija at Pampanga.

Planong ilagak ang impounding facility na ito sa 450 ektaryang lupa na sakop ng mga barangay ng San Jose at Iba O’ Este.

Ito ang ilan sa bahagi ng Calumpit na hindi na nawala ang tubig baha mula nang humagupit ang bagyong Pedring noong 2011.

Base sa detailed engineering design na isinumite ng Provincial Engineer’s Office kay First Lady Araneta-Marcos, dito iipunin ang mga sobrang ulan sa halip na magpapabaha sa kanayunan.

Sa panahon ng tag-araw, ito ay padadaluyin sa mga lupang sakahan upang maging patubig na pangangasiwaan naman ng National Irrigation Administration.

Samantala, ikinagalak ng Unang Ginang ang isinagawang Invest Bulacan Summit dahil maliwanag aniya na kaisa ang Bulacan sa bisyon ng administrasyong Marcos para sa isang Bagong Pilipinas.

Ito’y dahil sa mga tagumpay mula sa mga ipinatupad na reporma at programang pangkaunlaran.

Patunay dito ang pagkakatamo ng Bulacan ng Seal of Good Local Governance sa loob ng walong taong singkad, pag-angat sa Ika-11 na pwesto sa Competitiveness Index mula sa pang-40, at pang-pitong lalawigan na may pinakamalakas na lokal na ekonomiya sa buong Pilipinas. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments