Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomePamarawan Island, alternatibong destinasyon sa mga turista

Pamarawan Island, alternatibong destinasyon sa mga turista

Feature Article
Ni Manny Camua Dela Cruz

SA mga turista na bago pa lamang pupunta ng Isla Pamarawan, maraming ispekulasyon ang naglalaro sa kanilang mga isipan. Inaakala ng marami na ang islang destinasyon ay mayroong mga tanawin katulad ng mga tanawin sa Cabongaoan Beach, ng Burgos at Abangatanen Beach, bg Agno sa lalawigan ng Pangasinan o kaya naman ang nakahahalinang tanawin sa Batis ni Vice Resort, sa Dingalan, Aurora.

Ilang taon na ang nakalilipas ay sinulat ng awtor ang kanyang eksperiyensiya nang mapagawi sa Isla Pamarawan. Wika nga, may kani-kanyang kariktan ang bawat pook pasyalan sa bansa. Pero kakaiba ang Isla Pamarawan dahil ito ay isang komunidad na hiwalay sa mainland Malolos.

Ang tanong: Bakit ipino-promote ng noon ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, sa pangunguna ng Malolos City Tourism Office ang Isla Pamarawan? Kahit sa panahon ng administrasyon ng kasalukuyang alkalde ng Siyudad ng Malolos Mayor Christian D. Natividad, ay kanyang ipinagmamalaki ang kariktan ng isla bagama’t nahaharap ito sa problema ng tidal flooding. Anu-anong adventure ba ang naghihintay sa mga baguhang turista sa kanilang pagtungo sa naturang islang barangay?

Ang kasagutan sa mga tanong ay ilalahad ng may akda. Sa loob ng kalahating oras na paglalakbay ng grupo ng mga mamahayag kasama ang mga tauhan ng Malolos Tourism Office ay abot-tanaw na namin ang Isla Pamarawan. Matatanaw sa ‘di kalayuan ang pinakamataas na istrakturang nakatayo sa isla, ang krus sa ituktok ng simbahang Katoliko at ang bell tower nito.

Ang mga kasamahan namin noon sa MTO ang gumigiya sa amin. Sa isang guard house ng malawak na fishpen ay pansamantalang humimpil doon ang mga bangka na aming sinasakyan upang panoorin ang paghuli ng mga bantay-baklad sa mga isda at iba pang lamang-dagat sa loob ng baklad.

Sobrang taas ng aming ekspektasyon. Inasahan namin ang banye-banyerang isda at shellfish ang makikita naming mahuhuli ng mga mangingisda, pero nabigo kami sa aming akala.

Ilang maliliit na isda, alimasag at hipon lang ang nahuli ng maninisid. Dahil alas diyes na ng umaga nang sumapit kami sa lugar, hindi raw iyon ang oras ng paghango ng mga huling isda sa loob ng baklad, kundi sa madaling-araw.

Sa panahong ito marahil ay hindi na gayon kaya hinihintay ng media friends ni Mayor Christian na mapasyalang muli ang Pamarawan kung ano na ang mga naging pagbabago sa isla sa loob ng mga panahong nagdaan.

Ang maulap na panahon noon ay agad na naparam nang umaliwalas ang langit. Nakapapaso ang mainit na sikat ng araw kaya nagpasya ang aming mga guide na magtungo na sa daungan ng mga bangka sa isang lugar ng asinan at sa mangroove nursery.

Ang tanawing iyon ang hindi pa namin nakita sa mga tourist destination na aming napuntahan. Ang malawak na asinan (saltbeds) at mga inaalagaang mga binhi ng bakawan ang tanawing aming dinatnan.

Matapos ang pagkukuhanan ng larawan at pag-interview sa mga bantay ng asinan, dumako na kami sa Pamarawan Fish Port at doon idinaong ang mga bangka na aming sinakyan. Walang pinagkaiba ang tanawin sa naturang pantalan sa Panasahan Fish Port, na sakop ng mainland Malolos. Ilan sa aming mga kasamahan na noon lang natapak sa kalupaan ng Pamarawan ang nagtanong: “Ang lugar bang ito ay pook pasyalan ng mga turista?”

Kung ikaw ay palaging pumapasyal sa mga kilalang beach resort sa Luzon, kakaibang tanawin ang iyong mamamalas sa Pamarawan. Ang kakaiba ay ang pagiging hospitable ng mga mamamayan doon.

Wala ka ring maririnig na ugong ng makina ng mga tricycle, dahil hindi uso ang mga tricycle doon. Pawang electric tricycle ang pumapasada sa kakalsadahan ng barangay kaya, walang usok mula sa makina ng motorsiklo at wala ring noise pollution sa Pamarawan. Ewan na lang kung nagkaroon na ng pagbabago ngayon.

May mangilan-ngilan na bilaran ng mga pinatutuyong mga isda, isang tindahan ng suman at maliliit na tindahan na nagtitinda ng produktong Pamarawan, ang patis at sukang-sasa ang makikita sa gilid ng kalsada.

Halos dalawang oras kaming namalagi sa barangay hall at doon na rin kami inabot ng gutom. Inihahanda pa kasi ng MTO ng oras na iyon ang mga pagkain na kanilang inihanda para sa aming lahat.

Sa isang lugar, sa gilid ng katubigan kami ipinaghain ng mga putaheng lamang-dagat tulad ng alimango, tilapiyang-dagat at ipang pang delicacies. Ang pagkain na nakasapin sa mga sikmura ay inabutan ng bulto ng pagkaing inihanda ng MTO.

Kung kami ang tatanungin tungkol sa aming obserbasyon hinggil sa tour package na inihanda sa amin ng MTO na may temang: “Tena sa Latian”, hindi mapasusubalian na napakaganda ng Isla Pamarawan. Kaya lang, maraping aspekto pa ang dapat na bigyang puwang at idagdag upang ang lugar na naturan ay dagsain ng mga turista.

Dapat mag-isip ng mga pamamaraan ang tourism office ng Malolos sa pakikipagtulungan ng local na pamahalaan at ng barangay council ng Pamarawan kung paano makahihikayat ng maraming turista na dayuhin ang naturang pook pasyalan.

Kumbaga sa isang resort, kulang pa sa amenities ang pook pasyalan sa Pamarawan at ang ideyang iyon ang dapat na pagtuunan ng pansin lalo na ngayon na naghahanap ang mga turista ng bagong adventures.

Kailangang may kakaibang adventure na mararanasan ang mga turista, bukod sa boating. Makalipas ang mahigit isang dekada, puwede na kayang dayuhin ng mga turistang lokal ang Pamarawan? May malaking pagbabago na bang naganap sa islang ito? (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments