Friday, December 13, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsCayetano, isinusulong ang PhilATOM para sa ligtas na paggamit ng nuclear energy...

Cayetano, isinusulong ang PhilATOM para sa ligtas na paggamit ng nuclear energy sa bansa

IDINIIN ni Senador Alan Peter Cayetano kamakalawa ang pangangailangan ng malinaw na regulasyon para sa paggamit ng nuclear energy sa bansa, kasabay ng pagtutulak niya ng panukalang batas para sa pagtatatag ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority o PhilATOM.

Layunin ng panukala na tiyakin ang kaligtasan, seguridad, at maayos na paggamit ng nuclear energy sa Pilipinas.

Ito ay matapos maisumite sa ilalim ng Senate Committee Report No. 429 nitong December 10, 2024 ang Senate Bill No. 2899 o ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act na naglalayong gawing independent regulatory body ang PhilATOM.

Magkakaroon ito ng eksklusibong kapangyarihan sa pagsisiguro ng kaligtasan at seguridad kaugnay ng nuclear energy.

Kabilang sa mandato ng PhilATOM ang pagbuo ng mga polisiya, pagtatakda ng safety standards, pagsasagawa ng inspeksyon, at pangangasiwa sa transportasyon, imbakan, at pagtatapon ng radioactive materials.

“Doon sa mga may agam-agam, may doubt sa nuclear power plant at nuclear energy: this bill is not to put up a nuclear power plant. It’s precisely to have the institution and the right people to be able to assess the use of nuclear energy in our country,” sabi ni Cayetano.

Pinagsasama ng panukala ang mga probisyon mula sa umiiral na mga batas at internasyonal na patnubay upang matiyak ang komprehensibong pangangasiwa. Nakasaad din dito ang mga parusa para sa hindi awtorisado o maling paggamit ng nuclear materials, at binibigyang-priyoridad ang kalusugan, kaligtasan, at proteksyon ng kalikasan.

Inaatasan din ang PhilATOM na bumuo ng pambansang plano para sa mga nuclear o radiological emergencies at isama ito sa mga umiiral na disaster frameworks ng bansa.

Bukod dito, makikipag-ugnayan din ito sa mga internasyonal na organisasyon tulad ng International Atomic Energy Agency (IAEA).

Binigyang diin ni Cayetano ang mga benepisyo ng nuclear energy, kabilang ang pag-usbong ng medisina at agrikultura, at ang pagtugon sa hamon ng climate change.

Habang inaasahan ng Pilipinas ang integrasyon ng nuclear energy sa bansa, tiniyak ni Cayetano ang mahigpit na safety measures, transparency, at accountability sa ilalim ng regulasyong ito.

Nakakuha na ng suporta ang panukala mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga scientists, energy experts, at mga policymaker, na nakikita ito bilang hakbang patungo sa makabago at sustainable na kinabukasan.

“For the purpose of passing this bill, we’ll try as much as possible to separate it so that hindi tayo ma-delay… I’ll really try to get it on the floor ASAP,” sabi ni Cayetano.

Inaasahang dadaan pa ang panukala sa masusing talakayan sa Senado ngayong sesyon. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments