CAMP OLIVAS, Pampanga — Bilang bahagi ng kanyang malasakit at suporta sa mga kasamahan sa serbisyo, personal na nagbigay noong Monday (Dec. 23) si Brig. Gen. Redrico A. Maranan, PRO3 regional director, katuwang ang kanyang may-bahay na si Ginang Ebeneza Maranan ng tulong sa 13 PNP personnel na may iba’t ibang karamdaman tulad ng chronic kidney disease, cancer, at diabetic amputee.
Ang mga benepisyaryo ay tumanggap ng 25 kilos ng bigas, Noche Buena packs, cash assistance, at dalawang wheelchair para sa mga nangangailangang personnel na may kapansanan dulot ng kanilang kondisyon.
Ayon kay Maranan, ang inisyatibang ito ay bahagi ng kanyang pangako na palaging magbigay ng suporta at malasakit sa mga miyembro ng kapulisan, lalo na sa mga kasamahan nilang dumaraan sa mahirap na sitwasyon.
Sa pamamagitan ng mga tulong na ito, layunin ng butihing Regional Director at ng kanyang asawa na magbigay ng kaunting ginhawa sa buhay ng mga nasabing personnel at kanilang pamilya, habang isinusulong ang pagkakaroon ng malasakit at pagkakaisa sa loob ng PNP.
Ang hakbangin na ito ay nagpatibay sa diwa ng PRO3 CARES, isang proyekto na nagsusulong ng kabutihang panlahat at pagtulong sa kapwa, na umaayon sa mantra ni RD Maranan na “Makabagong Pulis sa Makabagong Panahon.” (UnliNews Online)