BACOLOR, Pampanga — Kulungan ang bagsak ng apat na tulak na kabilang sa mga “high value target” ng PNP laban sa illegal drugs matapos masakote ang mga ito at mabawian ng Php2.7 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng drug enforcement unit ng Pampanga provincial police office noong Sabado ng gabi (Jan 25) sa Bacolor, Pampanga.
Ayon sa ulat ni Pampanga police director Colonel Jay Dimaandal, ang mga suspect ay kinilala lamang sa mga alyas na “Jane”, 45, isang fish vendor sa bayan ng San Quintin, Pangasinan; “Jaime”, 52, security guard sa Quezon City; “Jeff”, 44, motor mechanic sa Caloocan at “Rie”, 39, isang tattoo artist mula Quezon City.
Batay sa ulat ni Dimaandal kay Brigadier General Jean S. Fajardo, director ng Police Regional Office 3, umabot a 402 grams na shabu na may stret value na Php2,733,600.00 ang nakumpiskka mula sa mga suspek matapos maaresto ang mga ito sa Barangay Cabetican, Bacolor dakong alas 8:12 ng gabi noong Sabado.
Sinabi pa ni Dimaandal na bukod sa mga droga ay nakumpiska din sa posesyon ng mga suspek ang isang Para-Ordnance 45 caliber pistol na may serial number 53487, isang Colt Trooper MK-111 caliber 38 revolver na may serial number 850209, isang magazine ng cal. 45 pistol, mga bala ng baril, isang Redmi cellphone at isang gray Hyundai Sonata (TOG 788) na gamit ng mga suspek sa kanilang illegal operation.
Ang naarestong mga suspek, ayon pa kay Dimaandal ay itinuring na kabilang sa “high value target” PNP dahil sa malakihang papel ng mga ito sa distribusyon ng ilegal na droga sa Pampanga at karatig pook nito.
“Matagal na namin minamanmanan ang kilos ng mga suspek hanggang sa makumpirma namin ang kanilang partisipasyon sa pagtutulak ng droga,” ayon kay Dimaandal.
Agad naman pinuri ni Fajardo si Dimaandal sa pagkaarresto ng mga suspek at ito ay patunay ng tapat layunin ng PRO 3 na bawasan o putulin ang operasyon ng illegal drugs sa Central Luzon.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Pampanga Police Provincial Office matapos sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (R.A. 9165) at kasong illegal position of fireamrs and ammunition. (UnliNews Online)