LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Bilang parte ng pagpagdiriwang ng Fiesta Republica 2025, isinagawa ang paghahawi ng tabing ng Himpilang Daang na Bakal ng Barasoain at Malolos sa old Philippine National Railways (PNR) station sa nasabing lungsod kamakailan.
Pormal nang inilagak ang unang panandang pangkasaysayan sa dating istasyon ng tren ng noo’y Manila Railway Company (MRC) na kalaunan ay naging Philippine National Railways (PNR) sa Barasoain Y Malolos na 134 taong gulang na ang istraktura.

Kabilang sa mga makasaysayang tagpo sa nasabing istasyon ang pagbaba rito ni Dr. Jose P. Rizal noong 1892 upang ikampanya ang La Liga Filipina at makadaupang palad ang mga Kadalagahan ng Malolos na naggiit ng karapatang makapag-aral.
Dito rin bumaba ang mga delegado ng Kongreso ng Malolos na nagsesyon sa simbahan ng Barasoain mula 1898 hanggang 1899. Prinepreserba ito ng Department of Transportation (DOTr) sa tulong ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Katabi ng lumang istasyon ang bagong tayong Malolos station ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project. Ang paglalagay ng pananda ay bahagi ng SINEliksik project ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) na isang convergence strategy sa pagtuturo at pagpapalaganap ng lokal na kasaysayan ng Bulacan. Pinondohan ito ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa ilalim ng SHINE Bulacan program.
Lubos naman ang pasasalamat ni City Mayor Christian D. Natividad sa Pamahalaang Panlalawigan sa patuloy na pagbibigay ng pagkilala sa mga yaman ng kultura ng Lungsod ng Malolos.
“Rest assured we will continue the challenge in preserving and promoting the rich culture of Malolos at magiging bahagi pa ng mga susunod na henerasyon,” dagdag pa ni Natividad.
Dumalo rin sa saksihan ang makasaysayang seremonya sina Bise Gobernador Alex Castro, Bokal Romina Fermin, kinatwan ni Cong. Danny Domingo na si Atty. Lyvette San Diego, Malolos City Vice Mayor Migs Bautista, at Atty. Dagiw-A K. Cudalap, kinatawan ng DOTr at PPNR. (UnliNews Online)
Source: Shane F. Velasco/PIA Bulacan