LUNGSOD NG MALOLOS — Isang malawakang pagtutugis o manhunt operation ang inilunsad ng Bulacan Provincial Intelligence Unit at Malolos City police sa isang dating miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) noong Miyerkules (Jan 29).
Kinilala ang nakalalayang suspek na si Senior Fire Officer 2 (SFO2) Reyca Janisa Palpallatoc, na nasa hustong gulang at residente ng Phase 2A, Block 2, Lot 11 & 12, Camella Homes Provence, City of Malolos.
Ayon kay Police Major Edgardo Tongol, Deputy chief of police ng City of Malolos, si Palpallatoc ay nahaharap sa kasong may kaugnayan sa Illegal Recruitment Committed in Large Scale na una nang nilabas ni Judge Ronald August Tan ng Pasay City Regional Trial Court Branch 297 .
Armado ng warrant of arrest ang mga awtoridad sa pangunguna ni Major Tongol ng puntahan ang ang bahay ng suspek sa nasabing subdivision, pero wala na umano ang suspek at nakakandado ang mga gate nito, habang nakagarahe ang isang sasakyan.
Nakipag-ugnayan din ang mga otoridad sa pamunuan ng Homeowners Association at security ng naturang subdivision
Kasabay nito’y pinuntahan din ng mga pulis ang ilang lokasyon na nauugnay kay Palpallatoc, kabilang ang kanyang dating opisina sa punong himpilan ng BFP at ang kanyang huling mga address sa Malolos City, Quezon City, Calamba, at Laguna.
Gayunpaman, nananatiling at-large ang suspek at pinaghihinalaang tumakas patungo sa Indonesia upang makaiwas sa pag-aresto.
Nabatid na si Palpallatoc ay nahaharap sa mga alegasyon ng paggamit ng kanyang posisyon bilang opisyal ng BFP upang makisangkot sa mga iligal na recruitment scheme, kung saan nang-aakit siya ng mga tao gamit ang mga huwad na pangako ng trabaho sa gobyerno.
Bukod sa kasong kriminal, nahaharap din siya sa mga kasong administratibo na isinampa sa Office of the Ombudsman at Professional Regulation Commission (PRC) dahil sa immorality at professional misconduct.
Kabilang sa mga reklamong ito ang akusasyon ni Ginang Faiza Utuali, na sinasabing si Palpallatoc ay may iligal na relasyon sa kanyang asawa, isang dating opisyal ng Marine na na-dismiss.
Natukoy ng mga imbestigador ang ina ni Palpallatoc na si Jane, at ang live-in partner nito na si Cleotilde Delos Santos—parehong empleyado ng BFP—bilang mga posibleng kasabwat sa pagtulong sa pagtakas ng suspek.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng kaugnayan nila sa illegal na recruitment at obstruction of justice.
Matatandaang nagbitiw sa tungkulin si Palpallatoc noong Disyembre 2024, ilang sandali matapos ilabas ang warrant of arrest.
Hinihikayat ang publiko na magbigay ng anumang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Palpallatoc sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. (UnliNews Online)