Monday, March 10, 2025
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsBulakenyo, ginunita ang ika-98 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Ka Blas

Bulakenyo, ginunita ang ika-98 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Ka Blas

LUNGSOD NG MALOLOS — Nag-organisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng mga magkakaiba at makabuluhang programa upang alalahanin ang ika-98 taong anibersaryo ng Kapanganakan ni Gat. Blas F. Ople noong Lunes (Feb. 3).

Pinangunahan nina Gob. Daniel R. Fernando, Bise Gob. Alexis C. Castro, at Konsehal ng Hagonoy Dalisay Ople-San Jose ang pag-aalay ng bulaklak sa busto ni Ka Blas sa harapan ng Provincial Livelihood Training Center sa Bakuran ng Kapitolyo.

Hinimok ni Fernando ang mga Bulakenyo na sundan ang yapak ni Gat Blas F. Ople, isang mamamahayag, bayani, guro, manunulat, at lingkod bayan.

“Mahirap gayahin si Ka Blas, pero pagsumikapan po nating ito ay magampanan nating mabuti. Basta ang mahalaga dito ay ang pagtulong sa ating kapwa-tao,” anang gobernador.

Samantala, nangako si Ople-San Jose na ibibigay bilang donasyon ang ilan sa mga libro at isinulat ng kanyang ama sa Panlalawigang Aklatan ng Bulacan upang maituro sa mga kabataan ang tungkol kay Blas F. Ople at maipreserba ang kanyang legasiya.

“At the age of 16, he fought as a guerilla against the Japanese doon sa Mountain Province. Doon po natalo si General Yamashita. Sa kanyang murang edad na 16, alam na niya ang kanyang direksyon na tatahakin sa kanyang buhay. Alam na po niya ang pagmamahal sa ating bayan,” buong pagmamalaking sambit ng anak.

Kasabay nito, bilang pagpupugay sa Ama ng Labor Code ng Pilipinas at Ama ng Overseas Employment, tampok sa 2025 Ople Day Job Fair ang mga oportunidad sa trabaho mula sa 25 lokal at apat na overseas na employer, na umakit sa 721 na nagparehistrong Bulakenyong aplikante.

Gayundin, nag-organisa ang Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office ng patimpalak ng pagsulat ng sanaysay para sa elementarya at sekondarya, at talumpating ‘di-handa para sa sekondarya at kolehiyong estudyante.

Sina Ma. Eizel Joy Ecal ng Guiguinto Central School at Sandrea Nicole H. Caparas ng Carlos F. Gonzales High School ang pinangalanang nagwagi sa pagsulat ng sanaysay; habang sina Akira T. Paulino ng Calumpit National High School at Klarence Miguel Bucad ng Bulacan State University-College of Arts and Letters ang namayagpag sa talumpating ‘di-handa.

Ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Ka Blas ngayong taon ay nakaangkla sa temang “Gat Blas Ople: Lingkod Bayani ng Kaniyang Panahon, Inspirasyon ng Bayan Ngayon.” (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments