LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Umabot na sa P2.2 million reward money o pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para agad na maaresto ang suspek na nakapatay sa dalawang pulis officer sa isang buy-bust operation sa Barangay Tambubong, Bocaue noong Sabado (March 8).
Inihayag ni Gobernador Daniel R. Fernando ang paglalaan ng P2 milyong karagdagang pabuya nitong Martes (March 11) sa isinagawang 1st Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PDAC) at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) para sa ikadarakip ng pangunahing suspek sa madugong engkuwentro na kinilala sa alyas na “Athan”.
Nauna nang nagbigay ng P100K reward money ang LGU ng Bocaue na sinundan naman ng P100K mula sa Police Regional Office 3.
Matatandaang nitong Sabado ay nagsasagawa ng buy bust operationsang mga biktimang sina Staff Sergeants Dennis Cudiamat at Gian George Dela Cruz, kapwa ng Bocaue Municipal Police Station sa Sitio Tugatog, NIA Road sa Barangay Tambubong nang paputukan sila ng mga armadong lalaki.
Unang naaresto ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang isa sa dalawang suspek na si alias “Dado”, kapatid ng pinaghahanap na si “Athan”, kapwa residente ng Barangay Bunsuran, Pandi, Bulacan.
Ayon kay Gov. Fernando, inatasan na niya si Bulacan PPO director Col. Satur Ediong na paigtingin ang pagsasagawa ng manhunt operation sa nakalalaya pang suspek.
“Makakaasa po kayo na hindi po mawawalan ng kabuluhan ang kanilang sakripisyo alang-alang sa tawag ng sinumpaang tungkulin,” wika ni Fernando.
Dagdag pa ng gobernador na kailangang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng dalawang pulis dahil wala aniyang puwang sa lalawigan ng Bulacan ang ganitong uri insidente lalo na sa mga unipormadong kapulisan. (UnliNews Online)