CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga at baril, nasakote ng Guiguinto police ang 2 suspek at nakakumpiska ng humigit-kumulang 185.5 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P1,293,300 noong Martes (March 11) sa Barangay Tabang, bayan ng Guiguinto.
Batay sa mga ulat na isinumite kay Col. Satur Ediong, Bulacan provincial director, isang buy-bust operation ang inilatag ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Guiguinto Municipal Police Station, na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Bude” at alyas “Tsong.”

Nakumpiska sa operasyon ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,293,300 at isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong live ammunition, kabilang pa ang buy-bust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri.
Samantala, ang mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kaugnay ng Omnibus Election Code ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte.
Binigyang-diin ni Col. Ediong, “ang ating pangako sa pagtiyak sa kaligtasan ng ating komunidad ay matatag, at walang humpay nating ituloy ang pag-alis ng lahat ng mga loose firearms na ginagamit ng mga taong walang batas, partikular na habang papalapit tayo sa darating na 2025 elections.”
Dagdag pa nito, “ang pagsisikap na ito ay umaayon sa mga direktiba ni Brig. Gen. Jean S. Fajardom PRO3 regioal director, na paigtingin ang kampanya laban sa loose firearms at itaguyod ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)