NANINIWALA si Senador Alan Peter Cayetano na “hilaw” pa ang pagdala ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng giyera kontra droga sa International Criminal Court (ICC).
Giit niya, gumagana ang hustisya sa bansa at kung may dapat managot, dito ito dapat litisin.
Idiniin ito ng senador sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Affairs nitong March 20 sa usapin ng pag-aresto kay Duterte.
Wika ni Cayetano, kayang kaya ng justice system ng bansa ang anumang imbestigasyon, at hindi maaaring sabihin na walang ginagawa ang gobyerno.
“Ang point ko lang, our justice system is working, it has its ups and downs. Yes, we have problems with politics now, but which country doesn’t? We’re working it out.” aniya.
Bukod pa rito, tinuligsa rin niya ang umano’y double-standard sa pagtukoy sa extra-judicial killings (EJKs).
“Meron po kasing issuance sila [former senator Leila] de Lima noon… noong panahon ni [former President] Aquino, hindi EJK ang tawag, [pero] pagdating ng Duterte [administration] basta patay, extrajudicial,”sabi niya.
Sinabi rin ng senador na noong umupo siya bilang Foreign Affairs Secretary noong administrasyong Duterte, malinaw ang paninindigan nila na imbestigahan ang mga maling gawain.
“Ang stand namin during that time is that lahat ng mali iimbestigahan” aniya.
Tungkol naman sa ICC, muling iginiit ni Cayetano na kung walang sapat na ebidensya, walang dahilan para dalhin ang kaso sa pandaigdigang korte.
Tinukoy rin niya ang deferral request, o ang hiling ng gobyerno sa ICC noong 2021 na ipagpaliban ang imbestigasyon upang bigyan sila ng sariling pagkakataon na magsagawa ng sariling imbestigasyon at kasuhan ang mga lumabag sa batas.
“Kung walang ebidensya, no point for ICC,” sabi ng senador. “Yes, [there has to be] accountability. Pero dito dapat [dito] triny ang dating pangulo. Iba pa rin pag former president, kahit former siya, he’s still a symbol,” sabi niya. (UnliNews Online)