LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Dumalo si Congressman Danny A. Domingo ng Unang Distrito ng Bulacan sa ginanap na consultation meeting ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kamakailan.
Personal na pinuntahan ni Cong. Domingo ang naturang pagpupulong upang makausap si DPWH Secretary Manuel Bonoan at talakayin ang kasalukuyang estado ng Flood Management Master Plan para sa Unang Distrito at iba pang distrito ng Bulacan.
Muling binigyang diin ng Kinatawan na kabilang ang konstruksyon ng flood gates at pumping stations sa pamamaraan para makontrol ang pagbaha sa Bulacan.
Nakakuha naman si Cong. Domingo ng commitment kay Sec. Bonoan na sisimulan na ng DPWH ang konstruksyon ng flood gates at pumping stations sa Unang Distrito. Isang hakbang ito upang makaramdam na ng ginhawa at maibsan ang problemang dulot ng pagbaha habang hinihintay ang implementasyon ng isang komprehensibong Flood Control Master Plan.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang opisina ni Cong. Doningo kay District Engineer Henry Alcantara DPWH Bulacan 1st District Engineering Office upang matukoy kung saan ilalagay ang mga flood gates at pumping stations sa 1st District ng Bulacan. (UnliNews Online)