Nina Manny D. Balbin & Louie Angeles
LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsagawa ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos, Embassy of the Kingdom of Netherlands at Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga (ABB-BP) upang maibsan ang pagbabaha hindi lamang sa nabanggit ng lungsod kungdi maging sa mga karatig bayan sa lalawigan ng Bulacan at ilang bayan sa lalawigan ng Pampanga.
Ginanap sa Mayor’s Office-Conference room ang MOU signing sa pagitan nina Malolos City Mayor Atty. Christian D. Natividad at Netherland Counselor Deputy Head of Mission Mr. Robert van der Hum, kasama si former Hagonoy Mayor Angel Cruz Jr., Chairperson ABB-BP.
Sa ilalim ng kasunduan,una ang Lungsod ng Malolos sa bababaan ng proyekto partikular sa mga barangay na madalas lubog sa tubig-baha, kabilang dito ang Atlag, Panasahan at isla ng Pamarawan.
Nabatid na teknolohiya ng Netherlands ang gagamitin upang maiwasan ang malawakang pagbaha sa lungsod tulad ng green embarkment at pagtatanim ng angkop na species na puno ng bakawan na matibay sa tubig-alat.
Ayon kay Mayor Natividad, lubos ang kanyang pasasalamat sa Pamahalaan ng Netherlands at sa pamunuan ng ABB-BP sa masugid nilang pagpupursige sa kanilang mga layunin partikular ang tagapag-tatag ng Alyansa na si dating Mayor ng Hagonoy na si Angel Cruz Jr.
“Patuloy na gagabay at susuporta ang kaniyang pamahalaan sa mga ganitong klaseng programa na ang pangunahing layunin ay ang makabawas sa paghihirap ng mga Malolenyo,” dagdag pa ng alkalde.
Ayon sa mensahe ni Engr Angel Cruz Jr, ang Netherlands Enterprise Agency na sangay ng Pambansang Kagawaran ng Imprastaktura at Pamamahala ng Katubigan ng bansang Netherlands ay nakatakdang magbigay ng tulong teknikal, mga bagong inubasyon at dagdag kaalaman sa ating lungsod na maari namang gamiting gabay upang makagawa ng mga modernong istruktura na mas matibay, mas madaling gawin kung ito’y masisira, at mas mura kumpara sa mga istrukturang bato na karaniwang proyekto ng ating pamahalaan na panlaban sa lumalalang problema ng pagbabaha.
Ayon pa sa dating alkalde, nakahanda din ang Pamahalaang Lalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel Fernando at kinatawan ng Unang Distrito ng Bulacan Danny Domingo na sumuporta sa programang ito.
Lubos naman ang paghanga ni DPWH District Engineer Henry Alcantara, Bulacan 1st DEO sa makabagong teknolohiya o pamamaraan upang mabawasan ang mga pagbaha sa Unang Distrito ng Bulacan.
Sinabi naman ni Bulacan Environment and Natural Resorces chief Atty, Julius Victor C Degala na suportado nila ang nasabing programa na tutugon sa matagal nang suliranin ng mga Bulakenyos.
Kung matatandaan ang ABB-BP ay tinatag noon pang 2010 na pinangunahan ng dating Mayor ng Hagonoy at tagapangulo Angel Cruz Jr. Simula noon patuloy ang naging pag-aaral at konsultasyon ng pamunuan nito sa mga bayan at lungsod na lubhang naapektuhan ng pagbabaha. Patuloy din ang naging komunikasyon sa pagitan ng ABB-BP sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Dumalo naman at nagpakita ng suporta ang mga pinuno at mga representante ng mga pangunahing departamento sa Pamahalaang Lungsod na sina Arch Pacoy Aniag ng City Architects Office, Engr Ricasol Millan ng City Engineerings Office, Leonora Resolis ng City Assesors Office at Amiel Cruz ng City Environment and Natural Resources Office, District Engineer Henry Alcantara, mga kapitan ng barangay na sina Danilo Clavio ng Atlag, Cesar Bartolome ng Pamarawan at Inocencio Villena ng Bagna, mga konsehal na sina Noel Sacay at Michael Aquino, mga staff ng Embassy of the KIngdom of Netherlands sa pangunguna ni Robert van der Hum. (UnliNews Online)