LUNGSOD NG MALOLOS — May 91 kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka sa Bulacan ang tumanggap ng tulong mula sa Department of Agriculture o DA sa ilalim ng High Value Crops Development Program o HVCDP.
Pinangunahan ni Gobernador Daniel Fernando ang pamamahagi ng 1,600 yunit ng plastic crate at 300 yunit ng knapsack sprayer sa naturang mga grupo.
Ayon kay Provincial Agriculture Office Chief Ma. Gloria Carillo, ang HVCDP ay ginawa upang makapaglikha ang mga magsasaka ng mataas na kalidad na aning produkto.
Ito ay isang banner program ng DA na binuo upang tugunan ang seguridad sa pagkain, tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya, at pag-ahon sa kahirapan.
Samantala, nagbigay din ang DA ng may 40.83 kilo samut saring binhi ng gulay sa mga bayan na higit na naapektuhan ng bagyong “Paeng” nitong nakaraang taon.
Kabilang rito ang mga lungsod ng Malolos at San Jose del Monte at mga bayan ng Angat, Baliwag, Bocaue, Bulakan, Bustos, Calumpit, Hagonoy, Marilao, Norzagaray, San Ildefonso, San Rafael at Santa Maria.
Ito ay pinondohan ng Quick Response Fund ng DA Regional Office III. (Unlinews Online)