Sunday, December 15, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsDokumentong inilalabas ng PSA Bulacan, makukuha ng isang araw sa CRS Outlet

Dokumentong inilalabas ng PSA Bulacan, makukuha ng isang araw sa CRS Outlet

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Makukuha na sa loob ng kalahati hanggang isang araw ang ontentikadong kopya ng birth, death, marriage certificates at ang certificate of no marriage o CENOMAR.

Posible na ito ngayong binuksan ng Philippine Statistics Authority o PSA- Bulacan ang Civil Registry System o CRS Outlet. Matatagpuan ito sa ikatlong palapag ng Vistal Mall- Malolos branch na nasa barangay Longos sa lungsod na ito.

Resulta ito ng apat na taong pagkokonsepto at pagsusulong ng PSA upang mabuo at maisakatuparan ang CRS Information Technology o I.T. Project Phase 2.

Pinangunahan ni Undersecretary Claire Dennis S. Mapa, National Statistician and Civil Registrar General ng PSA ang paglulunsad ng nasabing CRS Outlet na pang-anim na sa gitnang Luzon.

Ipinaliwanag niya na naisakatupatan ang proyektong ito sa pamamagitan ng public-private partnership o PPP sa pagitan ng PSA at ng Unisys na isang pribadong I.T. firm.

Pinondohan ng PSA ang konsepto, pagpapagawa ng 22 mga booths at iba pang kaugnay na pisikal na pasilidad. Habang binuo ng Unisys ang information technology infrastructure para magkaroon ng mabilis, maaasahan at siguradong paglalabas ng birth, death, marriage certificates at ng CENOMAR sa loob ng isang araw.

Ang Unisys din ang kumuha at magbabayad ng mga kwalipikadong manggagawa upang magpatakbo ng CRS Outlet sa ilalim ng pangangasiwa ng isang supervisor na kawani ng PSA.

Binigyang diin pa ni Mapa na hindi na kailangang lumuwas pa ang mga Bulakenyo sa PSA Central Office sa East Avenue sa Quezon City o sa PSA Regional Office sa San Fernando, Pampanga upang makuha ang kailangang dokumento.

Sa nakalipas na mahabang panahon, ang isang Bulakenyong kukuha ng otentikadong kopya ng birth, death, marriage certificates at ng CENOMAR ay maghihintay pa ng hanggang dalawang linggo upang matanggap ang nasabing mga dokumento.

Ito’y dahil ang hinihiling na dokumento sa PSA Bulacan ay sa PSA- Regional Office sa Pampanga pa iprinoproseso. Ngayong bukas na ang CRS Outlet ng PSA-Bulacan, kailangan lamang dalahin ang Philippine Identification System Identification o PhilSys I.D. o anumang government-issued na I.D.

Pagdating sa CRS Outlet na nasa ikatlong palapag ng Vista Mall-Malolos, mag fill-up ng form depende sa uri ng dokumento na hihilingin. Matapos nito, kumuha ng numero at sandaling hintayin na matawag upang makaderecho sa screener booth. Dito susuriin ng PSA kung ano ang estado ng dokumento na kailangan.

Kapag walang naging problema sa partikular na dokumento na hinihingi, dadaan na ito sa encoding upang maimprenta. Agad itong susundan ng pagre-release ng dokumento. Dito na pormal na nagtatapos ang isang transaksiyon na tinatayang aabot nang wala pang 10 minuto.

Tinataya rin na kayang makapagproseso ng hanggang 1,500 na mga dokumento kada araw ang bagong CRS Outlet ng PSA- Bulacan

Kaugnay nito, sinabi ni Arlene Divino, regional director ng PSA- Central Luzon, na ang pagkakabukas ng CRS Outlet ng PSA- Bulacan ay magpapaluwag ng 60% ng dami ng iprinoprosesong dokumento sa regional office nito sa Pampanga. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments