BALAGTAS, Bulacan — Arestado kamakailan ang lima katao na responsable sa panghoholdap ng mga convenient store dito sa nasabing lalawigan.
Base sa naging ulat ni Col. Relly Arnedo, Bulacan Provincial Director nung Lunes, ang huling ninakawan ng nasabing grupo ay ang Alfamart sa bayan ng Balagtas kung saan nakatangay ang mga ito ng mahigit P50,00 cash.
Ayon kay Arnedo, nasakote ang mga suspek sa pinagsamang puwersa ng Bulacan Provincial Inteligence Unit (PIU), katuwang ang mga operatiba ng Balagtas, Pulilan at Calumpit sa Barangay Dampol, Pulilan.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Raven Retrato,18 anyos; Michael Dominic Marcelino, 21; John Michael Sulima,18, at isang alias Boy, menor de edad at pawang mga residente sa Dampol, Pulilan.
Nadakip din sa isang follow-up operation ang isa pang suspek na si John Neuron Villaflorez alias James Edward Legaspi sa pinagtataguan nito sa Calumpit at nakuhanan ng isang hand grenade.
Magugunitang nu’ng Marso 3, bandang alas 5 ng madaling araw ng looban ng apat sa limang holdaper ang Alfamart Convenient store sa bayan ng Balagtas. Tinutukan ng baril ang dalawang store crew ng tindahan at pilit na kinuha ang mahigit P50,000 saka tumakas lulan ng dalawang motorsiklo.
Mabilis na naglatag ng mga follow-up at hot pursuit opearations ang Bulacan police Kung saan agad namang nakorner ang apat na suspek sa Dampol, Pulilan at narekober kay Marcelino ang isang caliber .45 habang nakuhanan ng 9mm caliber ang suspek na si Retrato.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Bulacan police upang matukoy kung may iba pang mga kasamahan ang mga naarestong suspek.
Kasalukuyang nakadetine ang mga suspek sa lock-up cell sa Camp Alejo Santos habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek. (Unlinews Online)