PANDI, Bulacan — Hindi inalintana ang malalim at maruming tubig baha, nilusong at personal na iniabot ni Mayor Enrico Roque ang mga food packs sa mga kababayang lubhang naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng hanging habagat na dala ng dalawang magkasunod na bagyo.
Personal na binisita ng alkalde ang mga Pandieño upang alamin ang kalagayan at mabigyan ng sapat na tulong at pangunahing pangangailangan.
“Personal na po nating inihatid ang tulong sa kanila. Sa ganitong paraan ay makakausap at makukumusta natin ang kanilang mga kalagayan,” ani Mayor Roque.
Taos-puso namang nagpasalamat ang alkalde sa mga taong patuloy nating nakakasama sa mga ganitong sitwasyon at sa mga naging katuwang sa pagbibigay ng serbisyo.
“Makasisiguro po kayo na may gobyerno kayong maaasahan sa oras ng pangangailangan at patuloy na magbibigay ng sERbisyong may Puso At Talino,” dagdag pa ng alkalde.
Samantala, nagpasalamat din si Mayor Roque kay Sen. Imee Marcos dahil sa personal na pagdalaw nito kaisa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), upang personal na pangunahan ang pagbababa ng tulong para sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng Assistance to individuals in crisis situations (AICS).
“Sa ngalan po ng 22 barangays kabilang ang 11 relocation sites, Maraming maraming salamat po sa pag-alalay at pagmamahal sa bayan ng Pandi at mga Pandieño mahal naming Senadora Marcos,” saad ni Mayor Roque. (UnliNews Online)