SAMUT-SARING espekulasyon ang tinitingnang problema sa naging pagbaha sa buong lalawigan ng Bulacan kamakailan.
Iisa lamang ang pagtanaw STIKER sa nasabing isyu ng pagbaha na naranasan ng mamamayang Bulakenyo na nagpabaha sa 20 bayan at lungsod kung saan malaking pinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at mga lansangan ang lubhang naapektuhan.
Unang dahilan ay ang kawalan ng Master Plan at Development Plan ng mga malalaking industrial subdivision at malalaking subdivision na basta lamang nabigyan ng permit ng municipal engineering office na hindi na-momitor kung nasunod nga ba ang isinumiteng plano ng mga negosyante na nagtatayo ng kanilang kumpanya.
Pangalawa, matagal ng napabayaan ng National Irrigation Administration (NIA) ang mga irigasyon na halos ay nasasakal ang tubig na nagiging pag-apaw ng tubig na nagpa-baha sa ilang bayan.
Pangatlo, tama ang sinabi ni Punong Lungsod ng Mayor Christian Natividad na maraming mga daluyang tubig o sapa sa Manila North Road mula Malolos, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, Marilao at Meycauayan na nawala na at natabunan na ng negosyanteng nagtayo ng gusali sa naturang national highway na lalo pang nagpahirap sa mga motorista tuwing umuulan dulot ng pagbaha dahil walang madaluyan ng tubig sa MacArthur Highway.
Pang-Apat, pangunahing nagpapa-bara sa mga drainage canal sa kahabaan ng MacArthur Highway ay ang malalaking poste ng Meralco na naka-gitna o naka-sakay sa naturang Canal na nagpapabara sa tubig ng canal. Kahit anong laki ng Drenage Canal na gawin ng Department of Public Works and Highway(DPWH) ay useless lang kung hindi aalisin ang mga poste. Dahil hindi naman nakikita ng karamihan ang ganitong sitwasyon na ang nakikita lang at ang sisi ay ang DPWH.
Pang-Lima, ang pinaka-malaking responsibilidad ay nasa mamamayan parin dahil sa kawalan ng disiplina sa pagsisinop ng basura na malaking problema ng ating bansa at mga lokal na pamahalaan kung paano masusulusyunan ang malaking volume nang naturang basura. Lalo noong humupa ang pagbaha ay sa ilang bayan ay naiwan ang libo-libong tonelada na basura.
Bagama’t tutugon ang national na pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at DPWH para solusyunan sa pamamagitan ng pag-Dregging sa mga kailugan. kung hindi naman makikiisa ang mga opisyal ng mga barangays sa iwasang magtapon ng basura sa naturang ilog ay baliwala ang gagawing dregging ng DPWH. (UnliNews Online)