LUNGSOD NG MALOLOS — Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa may 2,000 drayber at mga estudyante sa lalawigan ng Bulacan ngayong Miyerkoles (Aug. 30).
Ang pamimigay ng tulong ay natupad sa tulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makapagbigay ng magandang serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), isang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinamumunuan ni Sec. Rex Gatchalian, dating kinatawan at alkalde ng Valenzuela City.
Mismong si Speaker Romualdez, na lider ng 311 kinatawan sa Kamara ang namahagi ng tig P5,000 tulong sa may 1,000 kwalipikadong miyembro ng Jeepney Operator at Drivers Association, at 1,000 estudyante.
Isinagawa ang AICS payout sa Valencia Hall ng Bulacan State University at nagkakahalaga ng P5,000 ang inilaan sa bawat benepisyaryo na may pabaon pang isang kahon na non-food items at emergency kits.
Nagpahayag naman si Speaker Romualdez ng paghanga sa Tingog sa pagpapakita nito na buhay pa ang Bayanihan sa mga Pilipino.
Iba pa rito ang mga nanalo sa ginanap ding raffle draw na may papremyong mga motorsiklo, mountain bikes, washing machines, flat screen televisions at maliliit na appliances.
Binigyang diin ni Romualdez na magpapatuloy ang pagkakaloob ng mga ayuda lalo ngayong bumabangon pa lamang ang maraming nabaha at habang mataas pa ang presyo ng bigas.
Tiniyak din niya ang patuloy na paglalaan ng pondo para sa iba’t ibang uri ng ayuda at sabsidiya sa panukalang badyet ng 2024.
Ayon pa kay Romualdez, bahagi ito ng layunin ng administrasyong Marcos na pabilisin pa ang pagkakaloob ng mga serbisyo at tulong na ibinibigay sa mga karaniwang mamamayan. (UnliNews Online)