Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial News‘Dinukot kami at pinagbantaan ng mga militar. Hindi kami sumuko’

‘Dinukot kami at pinagbantaan ng mga militar. Hindi kami sumuko’

PLARIDEL, Bulacan — Mariing iginiit ng dalawang babaeng aktibista na sina Jhed Tamano at Jonila Castro na pilit silang dinukot at binantaan ng militar at hindi sila kusang sumuko sa 70th Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa bayan ng Doña Remedios Trinidad noong Setyembre 12 taliwas sa pahayag ng gobyernong “sumuko” at “nagpasaklolo” ang dalawa mula sa kilusan.

Ang pagbubunyag nina Tamano at Castro ay naganap sa isang press conference na pinangunahan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ginanap sa 3rd Floor ng Municipal Hall ng bayan ng Plaridel, Martes ng umaga (Sept. 19).

“Dinukot kami ng mga militar at sinabi nila na miyembro sila ng PA 70th IB sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Ronnel Dela Cruz at hindi kami boluntaryong sumuko sa kanila,” sabi ni Castro.

Agad namang itinanggi ni Lt. Col. Dela Cruz ang mga alegasyon ng dalawang aktibista na may kinalaman ang kanyang mga tauhan sa 70th Infantry Batallion ng Philippine Army sa puwersahang pagdukot sa kanila.

“Walang naganap na pagdukot. Matapos ang ilang araw na negosasyon ay boluntaryong sumuko ang dalawa sa amin at agad naman naming tinulungan at ginabayan sa kanilang pagbabalik loob sa gobyerno,” saad ng battalion commander.

Sa kabila ng pagsasalita nina Tamano at Castro, nagmatigas sa parehong press conference si Lt. Col. Cruz na totoong sumuko at nagpasaklolo raw ang dalawa mula diumano sa mga maka-Kaliwang grupo.

“Sila po ay kusang sumurender po sa amin noong September 12,” paliwanag pa Dela Cruz.

Sinabi rin ni Dela Cruz na si Castro, maliban bilang isang aktibista, ito ay isa ring rebelde na humawak ng baril at nakipaglaban sa mga militar o sundalo

Mariing pinabulaanan ng dalawang aktibista na sangkot sa environmental campaigns sa paligid ng Manila Bay ang umano’y affidavit o sworn statement at sinabing ito ay gawa-gawa lang at pinilit silang papirmahin.

“Pinilit kaming pirmahan ang naturang affidavit kahit labag sa aming kalooban pero wala kaming magawa. Hindi rin totoo ‘yung laman ng affidavit dahil ginawa ‘yon, pinirmahan ‘yon sa loob ng kampo ng militar. Wala na kaming magagawa sa mga pagkakataon na ‘yon,” ani Castro.

Mariin ding binigkas ng dalawang aktibista na ayaw nilang sumailalim sa kustodiya ng militar o ng 70th IB o sa kabdit na anong sangay ng gobyerno,” ani Castro.

Ayon naman kay NTF-ELCAC director Alexander Umpar na “ang task force katuwang ang local government unit ay tumutulong upang mapadali ang pagpapauwi sa dalawang babaeng aktibista. Nakahanda rin daw ang gobyerno na magbigay ng kaukulang tulong sa kanila.”

Sa panayam ng UnliNews Online kay Bong Laderas, isang AKAP KA Manila Bay volunteer ay sinabi nito na “Ang pangunahing layunin ng grupo ay ipanawagan ang kaligtasan at walang gawa-gawang kaso sa pagpapalaya sa dalawang kabataan. Ang pangalawa ay itutuloy na namin ang sinimulan ng AKAP KA Manila Bay kung saan nais naming ipanawagan ang pagpapatigil sa mga mapaminsalang proyekto sa Manila Bay at pangatlo ay ang nilalakad ng dalawang kabataan na tumulong sa pamamagitan ng relief giving.”

Pinagpugayan naman ng human rights group na Karapatan ang katapangan ng dalawang babaeng aktibista na magsabi ng totoo sa kabila ng kundisyon habang nasa kustodiya ng AFP.

“Nagsabi ng totoo sina Castro at Tamano, sa kabila ng pilit na sitwasyon na kinasasadlakan nila – idineklara nila na dinukot sila ng militar, hindi sila sumuko at ikinulong sila sa loob ng kampo ng militar, sa ilalim ng pressure at sa pagpilit, ginagawa ang lahat ng pag-aangkin ng kanilang ‘pagsuko’ ay pawang kasinungalingan at kalokohan,” ani Kristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupong Karapatan.

“Hinihiling namin ang ligtas na pagpapalaya kina Tamano at Castro ngayon, at hindi isang segundo pa. Pananagutin namin ang mga awtoridad ng gobyerno na responsable sa pagdukot at ngayon ay ang posibleng iligal na pagkulong, pamimilit at sikolohikal na pagpapahirap sa dalawa.”

Matatandaan na ang dalawang babaeng aktibista mula sa Plaridel ay dinukot at sapilitang isinakay sa isang grey sport utility vehicle sa Barangay Lati, Orion, Bataan noong gabi ng Setyembre 2, 2023. Sinasabing naghahanda ang dalawa para sa relief operations at konsultasyon sa komunidad ng Bataan bago ang insidente.

Kinilala ang dalawa bilang miyembro ng Student Alliance for the Advancement of Nationalism and Democracy, isang grupo ng aktibista sa unibersidad. Miyembro rin sila ng Akap Ka Manila Bay, isang environmental alliance na nakabase sa Central Luzon na sumasalungat sa reclamation activities sa Manila Bay.

Tinutulungan ni Jonila si Jhed sa pakikipagtulungan sa mga komunidad sa baybayin ng Bulacan at Bataan. Si Jhed ay isang program coordinator ng “Turn the Tide, Now!”, isang bagong inilunsad na church-community partnership program ng AKAP Ka Manila Bay.

Si Castro, ay isang undergraduate psychology student sa Bulacan State University sa Lungsod ng Malolos habang si Tamano ay nagtapos sa nasabing paaralang noong nakaraang taon, na may degree sa business economics. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments