PANDI, Bulacan — Sumailalim ang Pamahalaang Bayan ng Pandi sa national validation para sa The Seal of Good Local Governance (SGLG) ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa 2023 noong Monday (Sept. 25).
Ayon kay Mayor Enrico Roque, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bayan ng Pandi na mapabilang po ang ating Pamahalaang Bayan sa SGLG National Validation level ng DILG.
“Maraming salamat po sa DILG, sa ating mga lingkod bayan, at sa lahat ng mga department/section heads at empleyado ng munisipyo at sa mga Kapitan ng Barangay na parte nito,” ani Mayor Roque.
Gumanap bilang mga validators sina Provincial Director, Quirino Province- Atty. Salvacion Bacay, LGOO V Carolyn Mateo, CTL Judith Romero, LGOO III Allysa May DR Topico at PD Myrvi Apostol-Fabia, CESO V.
Ayon sa alkalde, 10 lugar ng pamamahala ng Pamahalaang Bayan ng Pandi ang nagpresenta ng kanilang ulat sa dokumentasyon para sa taong 2023 at kinakailangan makapasa sa 10 Governance Areas na itininakda ng DILG.
Ang 10 Governance Areas na sumailalim sa masusing validation ay ang Financial Administration, Disaster Preparedness, Social Protection and Sensitivity, Health Compliance and Responsiveness, Sustainable Education, Business Friendliness and Competitiveness, Safety, Peace and Order, Environmental Management, Tourism and Culture and Arts, at Youth Development.
“Ipinagmamalaki po nating ipinakita at ipinakilala ang ating progreso at kagandahan ng ating bayan. Dalangin po natin at ng buong LGU ang ating pagpasa sa SGLG,” dagdag pa ni Mayor Roque.
Ani pa ng masipag na alkalde, “Tuloy-tuloy lang po ang ating responsableng pagbibigay ng serbisyong may Puso at Talino para sa ating bayan at para sa bawat Pandieño.” (UnliNews Online)