BIGYAN natin ng pansin ang isinasagawang hakbang ng PNP Pandi, Bulacan, laban sa kriminalidad partikular na nalalapit na halalang pam-baranggay.
Batay sa nakalap nating ulat sa social media, nagkaroon ng ‘Anti Criminality/COMELEC Checkpoint Operation ang mga tauhan ng Pandi MPS, kasama ang UKIP-ACO force multipliers sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt Col. Rey Apolonio, Acting Chief of Police (ACOP.) ng nasabing lugar, ganap na alas kuwatro ng hapon noong ika-10 ng Oktubre, 2023.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong hadlangan ang mga masasamang elemento sa kanilang gawaing kriminal, at bilang bahagi na rin ng Anti-Criminality Program ng Pandi MPS.
Tsk! Tsk! Tsk! Magaling ang mga ganyang pamamaraan upang agarang maapula ang anumang masamang intensiyon ng mga pasaway nating kababayan, tuwing panahon ng halalan.
Ang Katropa ay natutuwa at muling naibalik sa tungkulin ang magalang at maginoong si P/ Lt. Col Rey Apolonio. bilang Hepe ng Pulisya ng Pandi Police Station. Mabuhay ka Hepe P/ Lt. Col Rey Apolonio at ang mga kawani ng Pandi Police Station.
Malupit ka ba sa iyong mga anak?
Mga ‘bully’ na magulang! Malupit ka ba sa iyong anak? Pisikal ka bang nananakit at naninikis ng iyong supling? Kung positibo na ito ay iyong ginagawa, tiyak na delikado sa kamay mo ang buhay at kapalaran ng iyong anak, isa kang mapanganib na magulang.
Isang ulat ang muling ipinadala sa atin ng isang guro, aniya maging maingat sa pakikitungo at pagdisiplina sa mga anak. Batay sa ulat, isang grade 4 pupil ang nakitaan ng isang maestra ng kakaibang reaksyon sa tuwing ito ay napupuna o napagsasabihan, kapag ito ay may nagawang hindi maayos. Anya, ang bata ay hindi laging naka-pokus sa leksiyon at ayaw sumunod sa Guro.
Minsan nasabi ng titser sa bata na isusumbong siya sa kanyang magulang, kung hindi siya susunod sa nasabing tagapag-turo. Dito ay napansin ng guro ng humarap sa kanya ang nasabing paslit, na may namumuong mga luha sa mga mata nito at bigla na lang umiyak at nanginginig sa takot. Huwag daw ipaalam sa kanyang mga magulang. Napag-alaman na ang bata ay may ‘trauma’ dahilan sa tuwing ito ay nakagagawa ng mali sa loob ng tahanan, siya ay sinasaktan ng husto, physically, at ang sabi pa ng bata ‘please dont tell them, I might be punished again.’
Minsan tayo rin na mga magulang ang nagbibigay ng sakit sa kanilang mga damdamin, na ang akala natin kung minsan ay tama ang ating pag-desiplina. Kung sasaktan natin sila, isipin din natin na walang kalaban-labam ang mga paslit na iyan.
Ang tanging sandata lamang nila ay umiyak, hudyat na nagmama-kaawa, na tigilan na ang pananakit sa kanila. Kaya minsan may mga batang sobrang manhid na sa sakit, kung kaya’t sila ay wala ng pinakikinggang tao sa kanilang paligid.
Tsk! Tsk! Tsk! Huwag saktan ang mga bata, bagkos sila ay kausapin at ipaalam ang tama at mali. Kapag ito ay nasaktan, pagkakaroon ng pisikal na pinsala, tulad ng pagkakaroon ng bukol at pasa. Sakit ng ulo, gastrointestinal upset at iba pa na lalapatan ng isang operasyon. Ang mga iyan ay inyong papasanin, at hindi makakalimutan ng isang paslit, na ang kanilang mga magulang pala ay mapang-api o mapanupil. Salamat sa nagpadala ng ulat. Hanggang sa muli. (UnliNews Online)