Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsIkalawang taong pagdiriwang ng GULAYANGAT Festival, isinagawa

Ikalawang taong pagdiriwang ng GULAYANGAT Festival, isinagawa

Nina Verna Santos at Allan Roi Casipit

ANGAT Bulacan — Pormal nang binuksan ang ikalawang taong pagdiriwang ng GulayAngat na may temang: Gunita ng Lahi at Yamang Angat noong Lunes (Oct. 16).

Ang nasabing festival ay kinapapalooban ng iba’t ibang mga programa na sadyang aabangan ng lahat ng mamamayang Angateño maging ng mga karatig bayan nito.

Ang selebrasyon ay inumpisahan noong nakaraang Lunes at magtatapos sa Oktubre 24 kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-340 taong pagkakatatag ng Bayan ng Angat.

At sa unang bahagi ng kaganapan ay nagpakitang gilas ang 16 na barangay na nakiisa sa pagandahan ng Karosa na nagpapakilala sa kasaysayan, kultura at tradisyon ng kani- kanilang barangay. Buong pananabik naman na minasdan at tinunghayan ng mga Angatenyo ang pagdaan ng parada ng Karosa sa bawat nayon na nagtapos sa New Municipal Gym.

Palosebo isa sa tampok sa Laro ng Laking GulayAngat. (Kuha ni Allan Roi Casipit)

Na sinundan ng LARO NG LAKING GULAYANGAT na kinatatampukan ng mga kabataang kinatawan mula sa iba’t ibang barangay. At sa dakong hapon ay binuksan naman ang kauna- unahang GULAYANGAT FOOD PARK dito ay matatagpuan ang mga pagkain at mga produkto mula sa bayan ng Angat. Kinagabihan naman ay binigyang kasiyahan ang mga mamamayang Angateño (People’s Night) sa nakakaaliw na tugtugin mula sa dalawang lokal na banda

Dumalo bilang panauhing pandangal si Bise Gobernador Alex Castro at nagpahayag ng kaniyang makabuluhang mensahe “Binabati ko ang ika- 340 na pagkakagtatag ng Bayan ng Angat, matagal na naitatag ang Bayan ng Angat subalit ang festival ay dalawang taon pa lamang at sino ba ang nagpasimula?

Dagdag pa ng bise gobernador, kundi ang mga taong nanunungkulan ngayon, marapat lamang na ang isang bayan o syudad ay magbigay ng panahon sa ganitong pagdiriwang sapagkat namumukod tangi ang dakilang gawain ng ating mga ninuno na siyang nagdulot upang makarating sa punto pong ito.

“Dinadalangin ko na maging masagana ang ani sa Bayan ng Angat taun taon at ilayo sa lahat ng sakuna. Saludo ako kay Mayor Jowar Bautista sapagkat ang gusto nya sa kanyang bayan ay paANGAT at hindi pababa, gaya na lamang ng municipal gym na ngayon ay maikukumpara ko sa mga 1st class na bayan, dahil dito ‘di na tayo pagpapawisan at di na tayo mag mumukhang bilasa dahil naka aircon, maganda yung facility bagong bago” wika pa ni Castro.

Pinasalamatan ni Mayor Jowar Bautista ang lahat ng mga dumalo at nakiisa sa kanilang mahalagang pagdiriwang. Sinabi ni Mayor Jowar Bautista “ngayon ay mayroon ng pagkakakilanlan ang Bayan ng Angat pagdating sa festival, di tulad noong araw na tanging Angat na lamang ang walang festival sa buong lalawigan. Ngayon may matatawag na tayong GULAYANGAT FESTIVAL na isiniselebreyt natin taun taon sa buwan ng oktubre”.

“Sa loob po ng isang taon maraming imposible ang naging posible dahil sa pakikiisa ng mga mamamayan at mga nanunungkulan dito sa Bayan ng Angat kasama ang ating mga kawani, nakikita nyo nandito lahat ang Sangguniang Bayan ng Angat isang pagpapakita na nagkakaisa ang nanungkulan kasama ang mga mamamayan malayo ang mararating. Malayo na ang narating ng Bayan ng Angat, malayo pa ang ating mararating, hindi ito ang simula at ‘di rin ito ang katapusan marami pa tayong pagsasama samahan na mga programa, proyekto patungo sa pag ASENSO AT REPORMA sa Bayan ng Angat” pagtatapos na wika ni Mayor Jowar. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments