LUMULUBHA ang digmaan sa pagitan ng mga bansang Ukraine at Russia, higit sa pinakahuli, ay ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas. Tila ang Iran, Syria at Lebanon ( na pawang mga bansang Muslim) ay makikisawsaw sa alitang ito ng Israeli at Hamas. Pati itong Estados Unidos na lantarang umaayuda sa Israel.
Kaya umalerto tayo dahil sa aalog na naman ang galaw ng ating kalakalan, tataas ang mga presyo ng bilihin, sa hindi mapigilang pagtaas ng presyo nitong mga krudong inaangkat natin mula sa Gitnang Silangan.
Ang kalagayan ng ating mga Filipino Overseas Workers (OFWs) ay lubhang maaapektuhan. Mawawalan ng kita at magsisiuwi ng wala sa takdang panahon.
Bago ko sinulat ito ay tinunghayan natin ang kalagayan ng mga OFWs, kung anu-ano na ang mga plano at isinasagawa ng ating Pamahalaan, upang sila ay masagip mula sa digmaan sa Middle East, at maiaayos ang kanilang mga kalagayan.
Mabuti naman at mayroon tayong mga Opisyales na kumikilos para sa kapakanan ng ating mga tinaguriang mga Bagong Bayani. Batay sa ulat na ating nakalap sa ikatlong batch, 25 OFWs, isang sanggol ang nakauwi mula sa bansang Israel, ang mga manggagawa at ang sanggol ay dumating ng hapon, sa NAIA, kamakailan.
Umaabot na sa 60 na ang naibalik ng Gobyerno, 46 na Tagapag-alaga, 12 Manggagawa sa hotel at dalawang sanggol mula noong Oktubre 18.
Tsk! Tsk! Tsk! Ayon sa ulat, ay atin pa rin napag-alaman, na ang mga ito ay nakatanggap ng tulong. Tulad ng mga nauna sa kanilang OFWs, ay nakatanggap din ang pinakabagong grupo ng tig-P50,000 mula sa Department of Migrant Workers (DMW); P50,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration; P10,000 cash; P10,000 halaga ng food subsidy; at P15,000 na tulong pangkabuhayan mula sa Department of Social Welfare and Development. Nakatanggap din sila ng agarang ayudang medikal mula sa Department of Health, kabilang ang psychosocial first aid at medical checkup, na may mga bitamina at maintenance medicines.
Ayon nga kay Department of Migrant Workers (DMW) Officer in Charge Hans Cacdac, sa media briefing (na ating isinatagalog,) “Kami ay patuloy na nagbibigay ng tulong at sinusubaybayan ang sitwasyon ng ating mga kababayan sa Israel. Sa 650 distressed calls, 648 na ang accounted for, habang ang natitirang dalawa ay hindi pa rin matukoy.”
Tayo po ay patuloy na manalangin na huwag ng lumawak pa ang digmaang ating natutunghayan sa Gitnang Silangan at sa iba pang panig ng mundo. Ilayo tayo sa gulo na dala ng mga bansang mapang-api. Magdasal tayo: O Diyos, aming kanlungan at aming lakas, Na siyang May-akda ng awa, dinggin mo ang aming mga taimtim na panalangin, at ipagkaloob ang aming matapat na hinihiling, ay tunay naming makamtan, ang kapayapaan, kaayusan ng aming buhay at malayo sa masasama. Amen. Hanggang sa muli! (UnliNews Online)