SA bayan ng Apalit, sa lalawigan ng Pampanga ay may naging kaibigan ako roon na ang pangalan ay Larry Sigua. Siyavay isang Filipino-American citizen na may-ari ng LarLin Village, sa barangay Sampaloc, sa nasabing bayan at si G. Sigua rin ang may-ari ng Luzon Monitor community newspaper na dati kong pinatnugutan sa loob ng halos isang dekada.
Bago ako naging editor in chief ng Luzon Monitor, ipinakilala sa akin ng peryodistang si Buddy Arevalo, na taga Apalit din si G. Sigua.
Sa pag-uusap naming tatlo ay sinabi ni Larry na magtatayo siya ng community newspaper. Humanap anya ako ng makakasama ko sa dyaryo kaya nag-set si Larry ng petsa ng meeting at noon ko isinama sina Ramon Lazaro, Noli Liwanag. Naroon din si Buddy Arevalo.
Si Larry Sigua ang publisher, si Mon Lazaro naman ang executive editor, chief photographer si Buddy Arevalo at si Noli Liwanag naman ang news editor at siya na rin ang layout artist ng dyaryo. Dahil kakaunti kami sa staff box, isinama na rin namin sina Ruben Razon at George Alex Tenorio bilang mga columnist. Si Steve Clemente naman ang circulation manager.
Wala kaming reporter sa simula kaya kami na rin ang humahanap ng istoryang ilalagay sa Luzon Monitor, kaya pumupunta sa bawat bayan ng Pampanga at kinakapanayam namin ang mga alkalde ng bawat munisipalidad na aming pinuntahan Kahit nga ang bahaing bayan ng Minalin ay aming napuntahan. Kapatid yata ng actor na si Tony Ferrer ang mayor doon.
Matagal ko rin namang hinawakan ang Luzon Monitor hanggang nagtayo na rin ng ibang business sa loob ng Larlin Village si G. Sigua. Restaurant ang kanyang ipinundar pero nagse-serve din ng beer. At siyempremay mga babaeng waitress at isa na sa mga waitress ang kaibigang matalik ni Pareng George, na kung tawagin sa pangalan ay Tisay. Mayroon pang batang waitress doon na binansagan ni pareng George ng ‘chacadoll’
Hanggang sa dumami ang mga peryodistang Bulakenyo na dumadayo ng Larlin. Naisama namin doon sina Romy Domalaon, Ato Gabe, Bong Cruz, Bernie ‘kojac’ Manansala, (SLN na sila) Rommel Manahan at iba pa. Kung mayroon mang peryodista na may maraming kwento sa Larlin ay kaming tatlo nina Noli, Boy George at ako. Hindi ba pareng Noli, pareng George?
Sa ngayon ay wala na ang Luzon Monitor, mula nang pumirmi na sa California, USA si Larry Sigua. Maging si pareng George ay hindi na rin niya makontak si Larry doon sa California. Wala na rin akong balita kung binibisita pa ni G. Sigua ang Larlin Village. Salamat nga pala kay Ginoong Sigua, sa tiwala mong ipinagkaloob sa akin sampu ng aking mga naging kasama sa Luzon Monitor. (UnliNews Online)