LUNGSOD NG MALOLOS — Pansamantalang isinantabi ng mga mamamahayag na nakabase sa lalawigan ng Bulacan ang pagsusulat ng mga balita matapos magsagawa ang Provincial Public Affairs Office (PPAO) ng sportfest sa Bulacan Sports Complex noong Friday (Nov. 17).
Bagama’t hindi pa masyadong bihasa sa paglalaro ng pickleball, sinikap ng mga mamamahayag na matuto sa nauusong palaro sa kasalukuyan sa pangunguna ng mga tauhan ng PPAO sa pamumuno ni Katrina Anne Bernardo-Balingit at tulong at gabay ng City of Malolos Pickleball Club.
“Mas masaya itong gagawing tagisan ng galing sa larong pickleball dahil halos lahat sa atin o karamihan ay hindi pa ito nalalaro o bago sa pandinig,” ani Balingit.
Dagdag pa nito na naisakatuparan ang taunang sportsfest sa tulong at patnubay ni Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alex Castro sa kanilang pagbibigay ng kaukulang suporta sa mga mamamahayag sa Bulacan.
Hinati sa ilang division ang naturang palaro tulad ng men’s double, women’s double at mixed double.
Nanguna sa men’s double category ang tambalan nina Dick Mirasol at Omar Padilla habang sina Mary Ann Naduma at Beth Tan sa women’s double at ang mag-asawang Theofel at Lalaine Santos naman ang itinanghal na pinakamagaling sa mixed double category.
Tumanggap ng cash prize na halagang P5,000 ang champion, P3,000 sa 1st runner-up at P2,000 sa 2nd runner-up habang halagang P1,000 ang tinanggap ng lahat ng nakiisa sa nabanggit na sportsfest sa kagndahang loob ni Gob. Fernando.
Nagpasalamat naman si Bernardo sa pagtatapos ng program, sa lahat ng sumuporta sa taunang sportsfest, sa kanyang masisipag ng staff at sa mga miyembro ng City of Malolos Pickleball Club na umasiste at nagturo sa mga media players para mabilis na matutunan ang larong pickleball. (UnliNews Online)