MAAYOS na naidaos ang programang Conferment and Awarding Ceremony of PGS Proficiency Stage to CPS/MPS and PMFCs, ng Philippine National Police (PNP,) na ginanap sa Camp Gen. Alejo S. Santos, Malolos City, Bulacan, umaga ng ika-22 ng Nobyembre, 2023.
Ipinakilala ni P/Col Relly B. Arnedo, Bulacan Police Provincial Director, ang panauhing pandangal na si P/BGen. Enrico H. Vargas, DRDA/Chairman, TWG, PRO3, kung saan siya ay nagbigay ng inspirasyonal na mensahe ng GOHS.
Pinuri din ni Vargas ang mahalagang kontribusyon ng PNP Advisory Group para sa kapakanan ng pulisya, na malaki ang naitutulong sa pagtukoy ng mga ‘gaps’ at pagbibigay ng payo sa pagbuo ng mga hakbangin na dapat punan.
Sa nasabing okasyon, 13 Police stations sa Lalawigan ng Bulacan ang ginawaran ng prestihiyosong Gold Eagle Award and Seal of Proficiency habang 12 Police Stations ang tumanggap ng Silver Eagle Award and Seal of Proficiency.
Isa sa napagkalooban ng Silver Eagle Award ay ang Pandi Municipal Police Station, dahil sa walang patid na suporta sa epektibong pagpapatupad ng PNP P.A.T.R.O. L. Plan 2030, para sa pagkamit ng mataas na kakayahan, epektibo at kapani-paniwalang serbisyo ng pulisya, na may mahusay na rating na 90.07% , sa panahon ng proseso ng Pagsusuri ng kahusayan.
Ginawaran din ng Sertipiko ng Pagpapahalaga ang PANDI MPS ADVISORY GROUP, bilang pasasalamat at pagkilala sa patuloy na suporta nito at hindi natitinag na dedikasyon, mga pangako sa epektibong pagpapatupad ng PNP P.A.T.R.O. L. Plan 2030, sa panahon ng pagsasagawa ng Performance and Governance System Proficiency Stage.
Ang nasabing pagtitipon ay dinaluhan din nila P/Lt. Col Jacquiline Puapo, DPDA/Chairman, TWG, Bulacan PPO, Dr. Eliseo S. Dela Cruz, Chairperson ng The Provincial Advisory Group for Police Transformation and Development (PAGPTD,) P/ Lt. Col Rey Apolonio, Pandi Chief of Police, iba pang Hepe ng Pulisya at miyembro ng PNP, Bulacan at mga kasapi ng PNP Advisory Group sa nasabing Lalawigan. (UnliNews Online)