CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga — Iginawad ng Regional Sub-Committee for the Welfare of Children (RSCWC) – Central Luzon ang Gawad Makabata (Local Chief Executive Category) kay Mayor Enrico Roque sa ginanap na 31st National Children’s Month Regional Culminating Ceremony noong Miyerkules (Nov. 22).
Pinarangalan din ng RSCWC-Central Luzon ang bayan ng Pandi bilang Gawad Makabata (Local Council for the Protection of Children Awardee) at pinuri ng komite ang Pandi dahil sa pagkakaroon ng malaking kontribusyon sa pagtiyak ng karapatan ng mga bata sa kaligtasan, pag-unlad, proteksyon, at pakikilahok.
Ang nasabing alkalde at ang bayan ng Pandi ang isa sa pitong Local Chief Executives at bayan na ginawaran ng parangal na ito sa buong Region 3.
Ayon kay Roque, sa pagtanggap ng parangal na ito, buong pusong tinatanggap ko ang responsibilidad na maging katuwang sa patuloy na pagsasagawa at implementasyon ng mga programa para sa proteksyon, kapakanan, at pag-unlad ng bawat bata at kabataan sa aming bayan.
Lubos ang pasasalamat ng alkalde sa Council for Welfare of Children-Region 3 sa pagkilala sa aming mga pagsusumikap at pagtitiyaga para sa kabataan.
“Magsisilbing inspirasyon ang karangalang ito upang lalo pang pagbutihin ang aming serbisyong publiko para sa kabutihan ng aming komunidad,” ani Roque.
Dagda pa nito, ang karangalang ito ay hindi lamang para sa akin at sa aming bayan, kundi para sa bawat bata at kabataang Pandieño. (UnliNews Online)