LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — “Sa gitna ng ating makulay at magarbong selebrasyon, natitipon tayo dahil simple lang po ang mensahe ng ating pagdiriwang ngayong gabi— ang Pasko ay panahon ng pagkakaisa. Sa pag-iilaw natin ng Christmas tree, iisa lang ang ating tinitingalang bituin; iisa lang ang nararamdaman nating malamig na simoy ng hangin; iisa lang ang damdaming namamayani sa ating puso— ang kagalakan sa pagsilang ng ating dakilang Tagapagligtas.”
Ito ang taos-pusong mga salita ni Gobernador Daniel R. Fernando sa daan-daang Bulakenyo na nagtipon sa harap ng Gusali ng Kapitolyo ng Bulacan Friday ng gai (Dec. 1) upang saksihan ang “Paskong Bulacan: Pag-iilaw ng Krismas Tree”.
Sa pagsisimula ng panahon ng Kapaskuhan, sinamantala rin Fernando ang pagkakataon upang ihayag ang kanyang pagpapahalaga sa mga Bulakenyo para sa kanilang hindi natitinag na suporta sa kabila ng mga pagsubok na dinanas ng lalawigan ngayong taon.
“Bilang ama ng lalawigan, ang pinakamaganda pong regalo sa akin ngayong Pasko ay ang makitang nagkakaisa ang mamamayang Bulakenyo. Ang pagningning ng ating Christmas tree dito sa Kapitolyo ay simbolo rin ng aking pasasalamat sa ating mga kawani at sa bawat isang Bulakenyo,” ani Fernando.
Pinaalalahanan rin ni Bise Gob. Alexis C. Castro ang mga Bulakenyo na suklian ang mga kabutihang natatanggap nila sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.
“Nawa ay makapagbahagi po tayo sa ating mga kababayang kapus-palad mula sa mga biyaya nating tinatangap araw-araw. Bilang isang pamilya, lingkod bayan ng pamahalaan at sa buong sambayanan, tayo po ay magbahagian ng pag-ibig sa isa’t isa,” ani Castro.
Sa pangunguna nina Fernando at Castro, nagsama-sama ang mga Bulakenyo upang madama ang pagsisimula ng kapanahunang puno ng masayang diwa sa pamamagitan ng 30-talampakang Krismas Tree na nagpailaw sa bakuran ng Kapitolyo kasabay ang kahanga-hangang fireworks display na nagdagdag ng kislap sa diwa ng Pasko.
Nasiyahan din ang mga Bulakenyo sa Parada ng Bulacan Christmas Carozzas’ tampok ang walong Christmas floats na pinalamutian ng mga pailaw at mga Pamaskong dekorasyon na pumarada mula Malolos Sports Convention Center hanggang sa harap ng gusali ng Kapitolyo.
Dinaluhan din ang programa ng Paskong Bulacan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga pinuno ng tanggapan sa pamumuno ni Antonette V. Constantino at mga empleyado. (UnliNews Online)