LUNGSOD NG MALOLOS — Nasa 74 tauhan ng Bulacan Provincial Jail Custodial Force ang sumailalim sa matinding pagsasanay kamakailan sa hangaring na mapataas ang kanilang kahusayan at mas mapabuti ang kanilang mga kakayahan.
Sa pangunguna ni ret. Col. Rizalino A. Andaya, head ng Provincial Civil Security and Jail Management Office (PCSJMO) nagsagawa ng “Custodial Intervention Seminar in the Bulacan Provincial Jail” noong buwan ng Nobyembre sa Gusali ng Kapitolyo ng Bulacan dito na dinaluhan ng mga miyembro ng Bulacan Provincial Jail Custodial Force.
Ayon kay Andaya, sa pamamagitan ng naturang seminar nagkaroon ng ang mga dumalo ng pagkakataong palakasin ang kanilang kumpiyansa sa pagtugon sa iba’t ibang sitwasyong maaaring maganap habang sila ay gumaganap sa tungkulin habang nirerespeto ang karapatang pantao ng mga persons deprived of liberty (PDLs) at kung paano ito ipatutupad sa detention facility, gaano man kaseryoso ang inakusang krimen sa kanila.
Kabilang sa mahahalagang itinuro ni Andaya ay ang tamang paghawak ng baril kabilang ang wastong tindig, basic principle sa sight picture, tamang gripping, squeezing at tamang paghinga; handcuffing, weaponry at crowd control para sa pagkakataong magkaroon ng close quarters battle katulad ng pagkakataong may nakatakas na PDL; tamang approach sa jailbreaks, riot at mga kalamidad.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gob. Daniel R. Fernando na sa pamamagitan ng pamumuhunan sa iba’t ibang pagsasanay at pagpapaunlad ng mga jail guard, hindi lamang tinitiyak ng lalawigan ang kaligtasan at seguridad ng mga correctional facility kundi nakatutulong din ito sa recovery at eventual societal reintegration ng mga nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
“Ang inisyatiba na ito ay hindi lamang para sa pagpapaunlad ng ating mga jail guards kundi isang pangako rin sa isang mas epektibo at makataong criminal justice system dito sa ating lalawigan,” ani Fernando. (UnliNews Online)