Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan, binuksan ang bagong agriculture office at training center

Bulacan, binuksan ang bagong agriculture office at training center

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakalipat na ang mga kawani ng Provincial Agriculture Office sa kanilang bagong tanggapan kung saan pinangunahan ni Bulacan Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ang inagurasyon ng nasabing gusali kamakailan na matatagpuan sa bakuran ng Kapitolyo dito.

Ayon kay Panlalawigang Agrikulturista Ma. Gloria SF. Carrillo, lalamanin ng dalawang palapag na gusali ang Provincial Agriculture Office sa ikalawang palapag habang Farmers/Fisherfolks Training Center naman sa unang palapag.

Dagdag pa nito, nahahati sa tatlong kuwarto ang unang palapag kung saan isang silid ay para sa Program Management, Agribusiness and Marketing Assistance Division, Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Center, at Provincial Agriculture and Fisheries Extension Center (PAFEC) habang ang dalawang natirang kuwarto ay Training Rooms.

“Mayroon namang apat na kuwarto sa ikalawang palapag kung saan ang Room 4 ay para sa Crops Development Division, Room 5 para sa Fisheries Development Division, Room 6 ay Conference Room, at ang Kwarto 7 ay alokado para sa Administrative Division at Tanggapan ng Provincial Agriculturist,” saad pa ni Carillo.

Samantala, isang hiwalay na gusali rin ang pinasinayaan na siyang magiging FFTC dormitory at guest room.

“Sa wakas po ay natapos na at ngayon nga ay magagamit na ng ating mga kawani mula sa PAO at mga Bulakenyong magsasaka at mangingisda na sasailalim sa mga pagsasanay ang gusaling ito. Nawa ay makatulong ang ating ipinagawang imprastraktura upang mas higit na yumabong ang sektor ng agrikultura at pangisdaan sa ating lalawigan,” ani Gov. Fernando.

Nagpahayag din ng pasasalamat at kaligayahan si Carillo dahil sa wakas, isa sa kanyang mga pangarap para sa mga Bulakenyong magsasaka at mangingisda ay nabigyang katuparan.

“Nakakatuwa pong isipin na sa tagal po ng aking panunungkulan bilang Provincial Agriculturist, halos 20 taon ay ngayon na lamang po nagkaroon ng katuparan ang aming pangarap na isang training center na maipagmamalaki ng ating lalawigan ng Bulacan kung saan ang ating mga magsasaka at mangingisda ay mabibigyan ng angkop na kaalaman upang higit nilang mapaunlad ang kanilang mga gawain sa bukid, palaisdaan at gayon din po ay gumanda ang kanilang mga kinikita,” ani Carillo. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments