NOONG ako ay secretary pa sa aming barangay ako ang nagtatala ng mga pinag-uusapan at napagkasunduan ng dalawang panig na magkaalitan. Bahagi iyon ng Katarungang Pambarangay na umaalinsunod sa Presidential Decree 1508 na kung saan ito ang sistema ng pangangasiwa sa hustisyang pambarangay upang ang mga kabarangay na may namamagitang hidwaan ay maisaayos sa panamagitan ng mediation, conciliation o ng arbitration.
Sa unang salvo ng paghaharap ay ang barangay captain ang namamagitan sa usapin ng dalawang panig. Sa puntong ito ay kailangang maipakita ng punong barangay sa kanyang mga pinaghaharap ang pagiging parehas. Kung ang kapitan ay kaanak ng complainant o respondent, dumadating sa punto na nag-iinhibit ang kapitan at nagtatalaga ang punong barangay ng isa sa pitong kagawad ng barangay upang mamagitan sa usapin.
Kapag ang pamamagitanan sa pangkat kapitan ay hindi naresolba, ang usapin ay ililipat sa lupon tagapamayapa. Karaniwan kasi na umaabot sa 15 araw ang yugto ng pag-aayos sa pangkat kapitan. Sa loob ng yugtong iyan at hindi napag-ayos ang nagreklamo at ipinagreklamo ay sa pangkat lupon na sila maghaharap sa loob din 15 araw. Puwede rin namang bigyan ng ekstensiyon ang usapin o higit sa 30 araw at iyan ay depende sa mga tagapamagitan.
Ang kapitan ang magsasabi sa complainant at respondent na inililipat na niya ang usapin sa pangkat lupon dahil isinapinal na niya ang mediation. Ang complainant ay may layang pumili kung sino sa sampung barangay justice ang nais niyang mamagitan sa usapin at naayon iyan sa Katarungang Pambarangay. Kapag kanya ng napili ang tagapamagitan sa pangkat lupon ay itatakda ng kalihim ng barangay na siya ring kalihim ng pangkat lupon ang schedule ng paghaharap.
May mga barangay na bago gawin ang paghaharap sa lupon ay aatasan nila ang tagapagsiyasat ng lupon na imbestigahan ang usapin kung bakit hindi naging matagumpay ang arbitration o ang pamamagitan kaya pinal ang mediation sa pangkat kapitan. Hindi naman ginagawa sa ibang barangay ang ganyang protocol.
Ang masaklap na parte ay hindi lahat ng miyembro ng lupon tagapamayapa ay libre ang oras sa nakatakdang hearing. Mayroon kasing barangay justice na maraming dahilan at meron din namang hindi naunawaan kung ano ang papel na kanyang gagampanan bilang mediator sa kabila ng sila naman ay nakadalo na sa mga seminar tungkol sa Katarungang Pambarangay. Paalala lang po. Kayo ay itinalaga at tumatanggap ng honorarya upang mamagitan sa mga kabarangay na mayroong hidwaan.
Mahalaga ang seminar para sa mga kagawad ng lupon tagapamayapa para sa kanilang ikatututo dahil sa inyong mga kamay nakasalalay ang kapakanan ng complainants at ng respondents dahil kapag hindi ninyo napagkasundo ang dalawang panig ay isusubo ninyo sila sa masalimuot, maabala at magastos na usaping legal dahil ang isang simpleng kaso sa korte ay tumatagal ng tatlong taon pataas kapag kinakitaan ng probable cause ng piskalya ang anomang usapin
Ang pamamaraan sa pag-aayos ng sigalot ng mga mamamayan ng barangay ay hango pa sa sinaunang panahong ng ating mga ninuno. Simula pa sa panahon ng mga tribu, angkan, pamilya noong panahong wala pang organisasyong pulitikal sa Pilipinas katulad ng barangay, bagama’t mga katutubo pa rin sa panahong ito na sa kanilang mga komunidad o sityo lamang inaayos ang mga sigalot ng magkakatribu sa tradisyonal na paraan.
Dahil na rin marahil sa kasalatan ng kaalaman ng mga tagapamagitan sa lupon.
Ang pagkakaloob ng certificate to file action ay maituturing na kabiguan panig ng Katarungang Pambarangay dahil hindi napag-ayos ng tagapamagitang lupon ang sigalot ng mga magkaalitang partido at ang lundo ng pagdaloy usapin ay hahantong na sa piskalya na siyang magdedetermina kung ang usapin at dapat na idismis o ituloy na sa Korte.
Nakalulungkot na may mga usapin pa rin sa barangay na umaabot pa ang hidwaan sa Korte. Taliwas ito sa paniniwala ng hukuman na mabisa ang sistema ng Katarungang Pambarangay, kaya naman minarapat ng ating gobyerno na gawing pormal at isama ito sa sistemang legal ng ating bansa bilang isang paraan ng pagsasaayos ng hidwaan.
Kahit naman umusad na sa municipal trial court o sa regional trial Court ang usapin mula sa barangay, kinakailangang naka-attached sa complaint sheet ang mga dokumento tulad ng kopya ng reklamo sa blotter book ng barangay at ang mga kopya ng mga tala ng paghaharap mula sa pangkat kapitan hanggang sa pangkat lupon.
Ang Katarungang Pambarangay ay isang sistema nang pangangasiwa ng hustisya sa bawat barangay upang maisaayos ang mga hidwaan sa pamamagitan ng mediation, conciliation o arbitration ng mga nakatira sa barangay na hindi na kinakailangan pang dumaan sa korte.
Ang sistema ng Katarungang Pambarangay ay maituturing na isang tradisyonal na paraan ng pagsasaayos ng mga hidwaan sa komunidad ng Pilipinas. Ito ay matagal ng ginagawa simula pa sa panahon ng mga tribu, angkan, pamilya at noong panahong wala pang organisasyong pulitikal katulad ng barangay. (UnliNews Online)