CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang pag-atake sa barangay hall ng Bahay Pare sa Meycauayan City noong Sabado ng gabi (Jan. 20) ay isang pagganti sa mga barangay tanod na kasama sa pag-aresto sa apat na drug suspect sa nasabing barangay isang araw bago ang insidente ng pamamaril.
Sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, sinabing apat na drug suspects ang naaresto noong Enero 19 sa Richmond Village sa Barangay Bahay Pare, Meycauayan City na isinagawa ng mga barangay tanod.
Ang naturang ganti ay nag-iwan ng isang tanod na patay at isa pa ang nasugatan at kasabay nito ay humantong sa pakakapatay sa dalawang umatakeng gunmen ng makasagupa ang mga rumespondeng pulis..
Matatandaang nangyari ang armed encounter sa pagitan ng mga rumespondeng tauhan mula sa Meycauayan Police Station at dalawang umatake bandang 8:10 p.m. noong Sabado sa Barangay Hall sa Sitio 2, Bahay Pare, Meycauayan City.
Pinili ng dalawang umatake sa barangay hall na lumaban at paputukan ang mga rumespondeng operatiba ng pulisya na siyang naging dahilan ng agaran nilang pagkamatay.
Kinilala ang isa sa mga napatay na suspek na si Jerome Almorasa Ballares, 30 taong gulang at residente ng Caloocan City habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang kasama nito.
Kinilala naman ang napatay na barangay tanod na si Rodolfo Santiago at ang sugatang tanod na si Marvin James Belanda Rivera.
Narekober ng mga pulis mula kay Ballares ang isang kalibre .45 na pistola, dalawang magazine para sa kalibre .45 habang ang isa pang kalibre .45 na baril at dalawang magazine para sa kalibre ng baril ay nakuha mula sa hindi pa nakikilalang umatake.
Si Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., regional police director ng Central Luzon, ay agad na bumisita sa Meycauayan City Police Station noong Lunes (Enero 22) at personal na nagbigay ng mga medalya sa mga kapuri-puring tauhan ng pulisya na nagpakita ng pambihirang serbisyo sa panahon ng pag-atake sa barangay hall ng Bahay Pare.
Ginawaran ng “Medalya ng Kagalingan” sina Capt. Jocelyn Calvario, Cpl. Jayson Aggarao at Pat. Lyko Concepcion. (UnliNews Online