LUNGSOD NG MALOLOS — Matagumpay na naisagawa ang unveiling ng isang mural sa loob ng Malolos Eco Park sa Brgy Matimbo, bilang bahagi ng selebrasyon ng 20th National Oral Health Month.
Ang naturang programa na may temang “Ngipin ay alagaan, tulad ng inang kalikasan” ay mula sa pakikipagtulungan ng City Health Office-Dental Division sa pamumuno ni Dr. Dondon Bautista at ng City Environment and Natural Resources (CENRO) na pinangunahan naman ni OIC Amiel Cruz.
Sa mensahe ni Cruz, bagama’t hindi pangkaraniwan ang kolaborasyon ng kanyang tanggapan at ng Dental Division ng City Health Office, ang dalawang dibisyon aniya ay mayroong iisang adhikain, ito ay pagpapanatili ng kalinisan at pangangalaga ng kalikasan sa panig ng CENRO samantalang pangangalaga naman ng ngipin ang sa Dental Division.
Ginamit din ni Cruz ang pagkakataon upang maipaliwanag ang ilang mga responsibilidad ng kanyang dibisyon upang mas lalo pang maunawaan ang mandato ng CENRO ayon sa batas.
Labis namang ikinatuwa ni Dr. Bautista ang naging pagtutulungan ng Dental Division at ng CENRO at aniya ay patuloy ang magiging suporta ng bawat isa sa kani-kanilang mga programa.
“Plano aniya ng kanyang dibisyon ang maglagay ng mga murals sa iba’t-ibang mga government offices at schools upang magsilbing paalala sa kahalagahan ng Oral Health ng hindi lamang ng mga malolenyo kung hindi sa lahat ng mga Pilipino,” ani Dr. Bautista.
Dumalo at nagpakita ng suporta ang ilang mga miyembro at mga opisyales ng Kapisanan ng mga Dentista sa Bulacan o KADEBU sa pangunguna ni Dra. Melanie Espiritu. Dumalo din ang ilang mga dentista ng iba’t-ibang Rural Health Units sa buong lungsod at ilang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos. Naging tagapagdaloy naman ng programa si Dra. Sherlyn Marinas Reyes ng RHU VII. (UnliNews Online)