LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Inilunsad noong Sabado (Feb. 26) ng Pamahalaang Lungsod ang “Mobile Clinic” na naglalayong magdala ng mga serbisyong pangkalusugan at medikal na mas madaling maaabot ng mga Malolenyo.
Bahagi ito ng adhikain ni Mayor Christian D. Natividad upang makapaghatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga Malolenyo.
Ilan sa mga serbisyong medikal na handog ng nasabing mobile clinic sa mga mamamayan ay ang ECG, XRAY, at Ultrasound.
Ayon kay Dr. Eric Villano, OIC ng City Health Office, patuloy aniya ang pagsuporta ni Mayor Natividad at bawat kawani upang mas lalong mapaigting ang pagbibigay ng mabilis, epektibo, at abot-kamay na serbisyong pangkalusugan.
Naging bahagi ng paglulunsad ang pagbabasbas ng naturang pasilidad, na punangunahan ni Reverend Monsignor Pablo S. Legaspi, kasama sina Konsehal Niño Bautista, Konsehala Therese Cheryl “Ayee” Oplen, Konsehal Ega Domingo, at iba’t ibang mga Pinuno ng Tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos. (UnliNews Online)