ANG bayan ng Paombong sa Unang Distrito ng Bulacan ay naging tanyag dahil sa produktong suka. Iyan kasing katutubong suka na galing pa sa puno ng Sasa ang ay totoong napakaasim at kakaiba ang LASA kumbaga sa suka na nabibili sa mga tindahan o sari-sari store. Ang Sukang-sasa ay produkto ng tuba dahil kung wala ang tuba ay hindi makalilikha ng Sukang-sasa.
Kamakailan ay napaulat ang ginawang pagpupulong ng dalawang pangkat sa bayan ng Paombong. Pormal na idinaos doon ang Local Tourism Council at Local Council on the Culture and the Arts ng nasabing bayan na kung saan pinaksa roon ang pagbalangkas ng isang tourism development plan at pagkakaroon umano ng cultural mapping upang mapalitaw ang natatagong yaman ng Paombong sa larangan ng sining at kultura.
Kabilang din dito ang hakbang na pagsusulong at ang pagtunton sa katutubong ‘Sukang Paombong’ na may likas na asim na siyang naging marka ng bayan ng Paombong. Layunin din ng dalawang konseho na maipatigil ang mga nagtitinda o gumagawa ng pekeng suka. Target din nila na maparaming muli ang tanim na mga Sasa sa gilid ng kailugan na pinagkukuhanan ng tuba at Suka kung saan nakilala ang bayan ng Paombong.
Ako naman ay hindi taga Paombong, Pero may mga kakilala ako at kaibigan na taal na mamamayan ng Paombong, kaya sila ang nakapagkuwento sa akin kung papaano ginagawa ang Sukang-sasa. Ayon sa kaibigan kong si Steve Clemente, isang mamamahayag na hindi na aktibo at residente sa barangay San Isidro Dos, sa Paombong, hindi anya simple ang paggawa ng Sukang Paombong.
Ayon Kay Steve, ang tuba at suka ay galing sa dagta ng bunga ng Sasa. Kinakailangan anya na sikaran ng ilang araw ang bunga para lumuwag ang katawan ng Sasa para dumami o lumakas ang pagtulo ng katas. Ang tumutulong katas ay sinasahod ng tukil o bumbong ng kawayan at kapag napuno ang tukil ay isasalin sa timba ang nakolektang at ililipat naman sa tapayan upang doon paasimin ng ilang araw hanggang sa maging suka. Mas maraming tukil, mas maraming katas ang maaani.
Ayon pa kay Steve, ang unang katas ng bunga ng Sasa ay medyo matamis. Tuba iyon kung tawagin na sa pagdaan ng ilang oras ay nawawala ang tamis ng tuba at bahagyang umaasim. Mas mainam anyang magpakatas ng bunga ng Sasa kung tag-ulan dahil low tide at mababaw ang tubig sa ilog. Pero kung tag-araw naman ay tumataas ang tubig sa ilog. Mahirap kumuha ng katas at mahirap din anya ang pagsikad sa mga bunga ng Sasa kapag high tide.
Ang Punto de Vista sa paksang ito ay ang muling pagpapasigla sa industriya ng Sukang-sasa. Maibalik ang Kultura ng tunay na Sukang Paombong na mula sa katas ng bunga ng Sasa. May kalakip na dedikasyon sa Kultura at tradisyon ang pagbabalik ng industriya ng tunay na Sukang Paombong, o Sukang-sasa. Kailangang mapagyaman ang Kultura na nakagisnan sa bayan ng Paombong. (UnliNews Online)