TINANGHAL sa unang pagkakataon ang Robinsons Place Malolos bilang overall champion sa isinagawang “Fire Olympics 2024” na ginanap sa harap ng Malolos City Sports and Convention Center kamakailan.
Sa pangunguna ng Malolos City Disaster and Risk Reduction Management Office (CDRRMO) at Bureau of Fire Protection (BFP), ang naturang Fire Olympics ay naglalayong lalo pang paglinangin at paghusayin ang mga kalahok sa kanilang mga kaalaman sa pagpuksa ng sunog at iba pang Fire Related Emergencies.
Ang mga kalahok ay nagpaligsahan sa mga kategoryang katulad ng bucket relay, hose laying and busted hose connection, rescue and transfer relay at flammable liquid fire extingusihment. Pinaglabanan din naman ang Best Muse at Best Uniform.
Ayon kay CDRRMO Chief Katrina Pia Pedro, ang mga ganitong paligsahan ay malaking tulong sa mga barangay at mga establisyementong lumahok sapagkat sila ang nagsisilbing First Responders kaya’t mas malaki ang tsansang maapula ng agaran ang isang sunog.
Taus puso din ang naging pasasalamat ni Pedro sa lahat ng mga barangay at establisyementong naglaan ng oras sa pagsasanay para makasali sa taunang paligsahang ito.
Ayon naman kay Mayor Christian D Natividad, binigyan niya ng pagkilala at pasasalamat ang lahat ng kalahok sa sinseridad at dedikasyon ng mga ito sa pagnanais nitong makatulong sa ating lungsod.
Bukod dito nagbigay ang butihing alkalde ng karagdagang 5 libong piso sa lahat ng naging kalahok at nangakong magbibigay ng paunang 20 libong piso sa mga sasali sa susunod na Fire Olympics na maari nilang magamit sa pageensayo at pagbili ng karagdagang kagamitan na panlaban sa sunog.
Dagdag pa ng alkalde, hangad niya na maglagay ng fire station dito sa Malolos Government Compound na labis namang kinasiya ng lahat ng kalahok at lahat ng mga kawani ng BFP.
Dumalo bilang kalahok ang mga barangay ng Sumapang Matanda, Guinhawa, Taal, Santor, Panasahan, Pinagbakahan, Anilao, Caingin, at Bangkal, mga private companies na Sucere at Robinsons Place Malolos, mga schools na Marcelo H Del Pilar High School at Malolos Marine Fishery School and Laboratories at ang Department of Education School Division Office.
Naging panauhin naman sina FCINSP Antonio C. De Jesus, Malolos City Fire Marshal, Leilani Samson-Cunanan, School Division Superintendent, FCINSP Lilibeth L. Pagdanganan, Chief Administrator Office of the Provincial Fire Marshal at Vice Mayor Miguel Albert T. Bautista.
Ang mga nagsipagwagi ay ang mga sumusunod:
Best in Muse:
Brgy. Sumapang Matanda
Best in Uniform:
Brgy. Sumapang Matanda
Best in Bucket Relay:
Brgy Guinhawa
Best in Hose Laying and Busted Hose Replacement:
Robinsons Place Malolos
Best in Rescue and Transfer Relay:
Robinsons Place Malolos
Best in Flammable Liquid Fire Extinguishment:
Department of Education Schools Division Office
Second Runner Up
Department of Education Schools Division Office
First Runner Up:
Brgy Sumapang Matanda
Overall Champion Fire Olympics 2024:
Robinsons Place Malolos