LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Inalayan ng bulaklak ang mga monumento ni Heneral Isidoro Torres sa nabanggit na lungsod sa pagdiriwang ng ika-158 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng naturang bayani kamakailan.
Pangunahin na rito ang pook kung saan siya ipinanganak sa barangay Matimbo, General Isidoro Torres Memorial Elementary School at sa kanyang monumento sa Bayan ng Malolos kung saan matatagpuan ang bukana ng palengke.
Naging sentro ng mensahe ng mga konsehal na sina Ayee Ople, Niño Bautista, Noel Sakay at Troi Aldaba ang kahalagahan ng mga nagawa ng ating Heneral, at kung paano ito nakapagbibigay ng inspirasyon sa bagong henerasyon sa ating lungsod.
Sa naging pahayag naman ng kinatawan ni Mayor Christian D. Natividad na si City Legal Officer Atty. Cyrus Valenzuela, ‘’…patuloy dapat turuan at gabayan ang ating mga Kabataan, at manatiling maliwanag na pag asa ng ating bayan.’’
Bilang tugon ay nagpahayag naman si Atty. Topee Torres, apo sa tuhod ni Hen. Isidoro patungkol sa kahalagahan ng naging sakripisyo ng kanyang lolo upang maging malaya ang ating mga kababayan.
Isa siyang heneral ng mga katipunero sa panahon ng rebolusyon laban sa mga Kastila sa ilalim ng administrasyong Aguinaldo. Tinaguriang ‘Matanglawin’ na nagtatag ng mga Sangguniang Lalawigan Balangay Apoy na pawang mga sangay ng Katipunan sa Bulacan na aabot sa 6,000 mga kasapi.
Inakusahang pumatay sa isang pari na labis ang pagkuha ng abuloy at mataas maningil sa mga sakramentong iginagawad ng simbahan.
Naging Alcalde Mayor ng Bulacan na posisyong punong lalawigan sa kasalukuyang panahon. Nagsilbing tanggapan niya ang Gobierno Militar De La Plaza na naging unang gusali ng Kapitolyo ng Bulacan noong panahon ng Unang Republika. Naging kasapi ng Philippine Assembly at konsehal ng bayan ng San Antonio, Nueva Ecija nang siya’y nanatili n rito.
Kabilang sa mga dumalo ang ilan pang mga kaanak ng Heneral, mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos. (May dagdag na ulat si Shane F. Velasco)