Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomePOINTS OF VIEWSanitary landfills, ’di sapat sa damakmak na basura ng bansa

Sanitary landfills, ’di sapat sa damakmak na basura ng bansa

ANG RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ay isang batas na naglalayon na protektahan ang Kalikasan sa pamamagitan ng mga probisyong nakapaloob dito gaya ng koleksyon, resiklo at pagtatapon ng basura. Naglabas ng report ang World Bank noong nakaraang taon ng kanilang assessment patungkol sa pamamaraan ng mga 17 local government units ng Metro Manila at ayon sa National Solid Waste Management Commission (NSWMC), ang Metro Manila ay nagtala ng nasa 9,000 toneladang basura kada araw noong taong 2020 at ito ay inaasahang tataas pa sa tinatayang10,000 basura kada araw sa mga taong darating.

Ayon sa report, ang koleksyon ng basura sa Metro Manila ay sama-samang ginagawa ng mga barangay at LGUs. Sa barangay pa lamang dapat ay may Material Recovery Facility (MRF) para ma-klasipika ang puede pang i-resiklo at i-compost ang mga nabubulok at ibalik sa Kalikasan ang mga bio-degradables. Ang matitirang residual waste ay responsibilidad na ng mga LGUs at ma-proseso ang tamang pag-tatapon.

NAGKAISA ang pamunuan ng KAIA Phase 3 sa Pasong Kawayan II ng General Trias City, sa pangunguna ni HOA Pres Rex Bolante at sinuportahan ni Woodville HOA Pres Ahlex Garcia ang pag-dedevelop ng eco-garden ng lugar. Nakiisa ang mga residente at volunteer’s ng Akbay Kalikasan upang magbigay ng Magandang halimbawa sa tamang pamamasura at makatulong sa pag-protekta sa Kalikasan ng lugar.

Ang nakalulungkot ay hindi pryoridad ng ibang mga barangay ang pagtatayo ng mga MRF sa mga 17 LGUs ng Metro Manila dahil na rin sa kakulangan ng pondo na ilalaan dito o ang kulang sa kaalaman kung paano ito maipatutupad sa kanilang nasasakupan.

Naitala sa report na mayroon 15 pribadong tagahakot o hauler services ng basura ang 17 LGUs ng Metro Manila dahil sa kakulangang pondong mapag-kukunan ng ibang barangay. Sa datos ng Metro Manila Development Authority(MMDA), at pag-aaral ng WB ay may tinatayang 33,000 cu.meters ng basura ang nakokolekta kada araw mula Metro Manila.

Nakita nang WB na hindi kasama sa datos ang hindi nahahakot na basura sa lugar na hindi kasama sa bilang ng barangay gaya ng mga ‘slum’ na lugar na hindi mag-kasya ang mga truck ng LGUs na panghakot at ito ay nag-reresulta sa pagdami ng kalat sa lugar mula kalye, kanal at sa mga ka-ilogan.

Makikita natin na ang koordinasyon ng LGUs at mga barangay ay may mali or kulang sa tamang operasyon o pag-tatala ng tamang pamamaraan sa implementasyon ng paghakot sa basura. Hindi sapat ang sistema ng pag-monitor sa mga barangay sa tamang pamamasura at kung paano i-mentana ang mga MRFs at ang pag-kaklasipika ng puedeng i-resiklo sa mga nakolektang basura.

Nagtataglay ng apat na Tiers ang LGUs sa larangang ng solid waste management na proseso. Ang una ay klasipikadong mataas ang antas ng kanilang implementasyon ng recyclable projects dahil na rin sa suportado ito ng mga batas ordinansa at sila ay naglalaan ng mga pasilidad para magawa ang tamang proseso nito. Ang mga lugar na ito ay ang Pasig, Muntinlupa at Parañague. Pumangalawa naman ang Makati, Manila, Quezon City, Pasay, Malabon, Mandaluyong, at Las Piñas, sinundan ito sa ika-tatlo ang Caloocan, Valenzuela, Taguig, Pateros at Navotas at pinaka-mababang naklasipika ang San Juan bilang pang-apat.

Sa kasalukuyan ay iniaasa ng 17 Metro Manila LGUs ang pagtatapon ng basura sa pamamagitan ng MMDA at ito ay itinatapon sa sanitary open landfill ng Rizal, San Mateo, at Navotas Landfill.

Ayon sa Commission on Audit (COA), mayroon 245 na sanitary landfill na gumagana mula taong 2021at ito ay nagagamit ng 478 o 29.25% sa buong 1,634 LGUs ng bansa. Ang bilang ng landfills na ito ay hindi sapat para sa 12,091 toneladang basura kada araw na kabuoang basura ng bansa. Darating ang panahon na wala ng tatanggap na LGU para pagtapunan ng mga basura galing sa ibang bayan, dapat ngayon pa lang ay may nakikita nang ibang solusyon para maresolba ang ganitong problema sa basura.

Isang nakikita kong puedeng makatulong ay ang proseso ng thermal oxidation process system (TOPS), ang prosesong ito ay di na kailangan ang landfill para pag-tapunan ng mga basura. Aking tatalakayin ang proseso na ito sa susunod na artikulo. (UnliNews Online)

Tungkol sa kolumnista:

Si Prof. Julio O. Castillo Jr. ay isang Doctor in Business Administration, academician ng business management and entrepreneurship, university professor sa graduate at undergraduate schools, academic research author, civil servant at nagsusulong ng mga adbokasiya para sa good governance and transparency, environmentalists, at community servant.

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments