LUNGSOD NG MALOLOS — Isa sa mga dagok na hinaharap ni Alexander Reyes, isang senior citizen mula sa San Nicolas, Bulacan, ang kahirapan ng buhay bunga ng kasalukuyang krisis sa ekonomiya. Dahil sa kanyang edad, mahirap para sa kanya ang makahanap ng trabahong mapapasukan, kaya’t labis ang kanyang pasasalamat kina Senador Alan Peter at Pia Cayetano dahil siya ay napabilang sa libu-libong benepisyaryo na nakatanggap ng livelihood assistance sa kanilang lalawigan.
“Malaking tulong po ito sa aking maintenance. Napakahirap na po ng buhay ngayon. Magagamit ko po ito sa pang-araw-araw naming pangangailangan,” sabi ni Reyes.
May kabuuang 1,500 Bulakeño ang nakatanggap ng tulong-pangkabuhayan mula sa mga opisina ng dalawang senador nitong Miyerkules, May 29, 2024, sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.
Nagbigay ng tulong ang programa sa mga biktima ng kalamidad, sektor ng kababaihan, at mga barangay volunteer.
Naisakatuparan ang pamamahagi sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD at sa koordinasyon ng lokal na pamahalaan ng Calumpit, Bulacan. Kasama sa mga nagbigay ng suporta sa programa sina former Representative Jose Antonio “Kuya” Sy-Alvarado at ang kanyang ina na si former Representative Victoria Sy-Alvarado.
“Tunay po kayong nagmamahal sa aming lalawigan. Kayo po ang susi sa kaunlaran nito at ng bansang Pilipinas,” wika ni former Rep. Victoria.
“Pinaligaya po ninyo kami dahil lagi ninyo kaming nakikita lalo na sa mga sandali ng krisis at kahirapan,” dagdag pa niya.
Karagdagan lamang ito sa mga pagsisikap ng mga Cayetano sa Bulacan, kung saan sila ay namahagi ng tulong sa mga biktima ng baha dulot ng Bagyong Egay noong nakaraang taon.
Nakatakdang dalhin ng magkapatid na senador ang kanilang social welfare program ngayong linggo sa iba pang pangunahing lugar sa Luzon, kabilang ang Laguna, Marikina, at Pasig, upang magbigay suporta sa mas maraming Pilipino, lalo na sa mga humaharap sa krisis. (UnliNews Online)